387 total views
Tiniyak ng Caritas Segunda Mana ang patuloy na paglingap sa mga nangangailangan ng tulong partikular na ang pagpapaaral sa mga mahihirap na kabataan sa bansa.
Ayon kay Rev. Father Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radyo Veritas pangunahing Benepisyaryo pa rin ng Segunda Mana ang mga Iskolar ng Caritas Manila – Youth Servant Leadership Program.
“Ang napagbentahan niyan ay ibibigay sa ating Scholarship Program na may 5000 Scholars sa buong Pilipinas para makatulong tayo sa mga mahihirap na magkaroon ng magandang edukasyon sa Kolehiyo at Voc Tech at mabigyan ng magandang kinabukasan.” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng pari ay kaugnay sa pagbukas ng ika – 9 na Segunda Mana Expo sa Starmall EDSA sa Mandaluyong City ngayong araw na ito ika – 31 ng Agosto.
Nagpasalamat naman si Fr. Pascual sa Panginoon sa pagkakataong muling nakapagsagawa ng Expo dahil ito ang paraan upang mas mapalawak pa ang donation in kind program ng Simbahang Katolika.
Pinasalamatan din ng Pari ang pamunuan ng Establisimiyento na nagbigay ng libreng Espasyo para sa Segunda Mana Charity Outlet.
Dahil dito hinimok ng pari ang mga mamamayan na bisitahin ang Expo at ang mga Charity Outlets ng Segunda Mana kung saan 31 dito ay matatagpuan sa Metro Manila at karatig lalawigan habang 1 naman sa Iloilo City sa Western Visayas.
“Inaanyayahan natin ang lahat ng mga Kapanalig ngayong August 31 hanggang September 2 pumunta dito sa second floor [Starmall EDSA] at napakaraming tinda at uubusin natin lahat para makatulong tayo sa YSLEP scholarship program ng Caritas Manila.” dagdag ng Pari.
Ibinahagi ng pari na mahigit na sa sampung libo ang mga kabataang natulungang makatapos sa pag-aaral sa buong Pilipinas.
Bunsod nito nagtayo naman ng Alumni Scholarship Association ang CAMASA kung saan sila ay nagbibigay ma rin ng tulong sa mga bagong iskolar ng YSLEP.
“Last year nagdonate sila [CAMASA] ng P1.4 million pesos at ngayon ay P3 million ang i-dodonate nila.” pahayag ng Pari
Bukod sa mga iskolar ng YSLEP, natutulungan din ng Segunda Mana ang mahigit sa 400 mahihirap na pamilya sa Metro Manila sa kabuhayan nito sa pamamagitan ng pamimili ng mga abot kayang halaga ng kagamitan at muling ibinebenta sa kani-kanilang mga lugar.
Tampok sa Segunda Mana Expo ang iba’t ibang uri ng kagamitan tulad ng damit, bag, sapatos at iba pa na donasyon mula sa mga Organisasyon, Simbahan, mga Kumpanya at kilalang personalidad sa bansa partikular sa industriya ng showbiz.
Patunay ito na patuloy ang pagkilos ng Simbahang Katolika na maabot ang mahihirap na sektor sa bansa at matulungan sa simpleng pamamaraan.