255 total views
Inihayag ni Caritas Damayan Priest -in- Charge Fr. Ric Valencia na ang pakikiisa ng mamamayan sa mga programa ng Caritas Manila ay isang paraan sa pagtulong sa nangangailangan.
Ayon sa Pari, hindi maisasakatuparan ang mga programa ng social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila kung wala ang suporta ng mananampalataya dahil dito nakasalalay ang ikatatagumpay nito.
Sa panayam kay Fr. Valencia sa pagbukas ng Segunda Mana Expo sa Bulacan, sinabi nitong ang pagtangkilik ng mga tao sa mga itinitindang gamit ay pagpapakita ng suporta sa adhikain ng Simbahan na tulungan ang mga dukha sa lipunan.
“Well ito ngayon ang pagkakataon sa mga kababayan natin na nagmamahal sa ating mga kababayan na naghihikahos at nahihirapan dahil sa iba’t ibang kalamidad at dahil din sa kahirapan ng buhay na ipakita ang pagtulong sa pamamagitan ng pagbili,” pahayag ni Fr. Valencia sa Radio Veritas.
Tampok sa expo na ginaganap sa activity center ng Starmall San Jose Del Monte ang mga kagamitang donasyon mula sa mga establisimiyento o mga non-moving items tulad ng damit, bag, sapatos, gamit sa kusina at iba pa na mabibili sa abot kayang halaga o halos 70 porsyento ang ibinaba mula sa orihinal na presyo.
Dahil dito malugod na inaanyayahan ni Krystal Jane Galias, Marketing Officer ng establisimiyento ang mamamayan ng San Jose Del Monte at karatig mga lugar na magtungo sa expo hanggang sa ika – 29 ng Setyembre upang makapamili ng mga panregalo lalo’t nalalapit na ang Pasko.
Sinabi pa ni Fr. Valencia na ang kikitain sa Segunda Mana Expo ay ipantutustos sa programang pang edukasyon ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP.
“Ang atin namang tinatanggap mula sa pagbebenta sa mga bagay bagay na ito na idino-donate din sa atin ay mapupunta naman sa ating scholarship program at sa iba pang programa ng Caritas Manila,” ani pa ng Pari.
Sa ginanap na expo sa Vista Mall Antipolo nitong buwan umabot sa humigit kumulang 400, 000 piso ang kinita ng Segunda Mana.
Ang Segunda Mana ay isa sa mga konkretong hakbang ng ating Simbahan sa paglingap ng mga nangangailangan kaya’t inaasahan po ang inyong partisipasyon bilang bahagi ng solusyon sa paglutas sa kahirapan ng bayan.