378 total views
Magnilay, magsisi at patuloy na manalangin ngayong pandemya.
Ito ang paanyaya ng Diocese of San Pablo kaugnay sa kauna-unahang Virtual Visita Iglesia in Laguna na inilunsad sa paggunita ng Semana Santa sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Inilunsad ang Virtual Visita Iglesia sa Laguna – Daan ng Krus 2021 na handog ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna sa pamamagitan ng Laguna Tourism Culture Arts and Trade Office katuwang ang Diocese of San Pablo at ng Virtual Reality Travel para sa paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, ang kauna-unahang Virtual Visita Iglesia in Laguna ay isang paraan upang ligtas na makiisa ang mananampalataya sa paghihirap at kamatayan ni Hesus sa pamamagitan ng Visita Iglesia at pakikilahok sa Station of the Cross sa kanilang mga tahanan.
“Inaanyayahan ko po kayo na makiisa sa lahat ng mga mananampalataya dito sa ating diyosesis at sa ibang mga lugar din, dadalaw sa iba’t ibang mga Simbahan dito sa Diyosesis ng San Pablo pupunta doon habang kayo ay nanunuod [ligtas sa virus mula sa mga tahanan], kayo ay nagdadasal, gumagawa ng Station of the Cross at naroon yung pakikiisa sa paghihirap at kamatayan ni Hesus.” paanyaya ni Bishop Famadico.
Naniniwala naman si Laguna Governor Ramil Hernandez na napapanahon ang kolaborasyon ng pamahalaang panlalawigan at ng Simbahan upang makabuluhang maipamalas at maisabuhay ang pananampalatayang Katoliko .
Hinimok ng gobernador ang mga mananampalataya na makiisa sa makabuluhang aktibidad upang magpasalamat sa Diyos sa patuloy niyang paggabay at pagprotekta sa atin.
Iginiit naman ng Laguna Tourism Culture Arts and Trade Office na pinangangasiwaan ni Ms. Regina Austria na natatangi ang inisyatibong ito upang maisakatuparan ang pagpapahayag ng pananampalataya ng mga Katoliko ngayong Semana Santa.
Ang Virtual Visita Iglesia ay isang natatanging programa kung saan maaaring makapaglibot ang mga mananampalataya sa iba’t-ibang Simbahan sa lalawigan ng Laguna sa isang makabago at ligtas na pamamaraan.
Tampok sa kauna-unahang Virtual Visita Iglesia in Laguna ang 30 parokya mula sa iba’t-ibang syudad at munisipalidad sa lalawigan ng Laguna na maaaring mapuntahan sa pamamagitan ng pagbisita sa Virtual.Reality.Travel website.