165 total views
Inaanyayahan ng Sangguniang Layko ng Pilipinas ang publiko na dumalo sa isasagawang ‘Kongreso ng Taong Bayan’ na gaganapin sa Asian Social Institute na itinakda sa May 15.
Ayon kay Marita Wasan, Pangulo ng Sangguniang Layko ito ay maghapong talakayan ng kasalukuyan sitwasyon na kinakaharap ng Pilipinas.
“Gusto kong ipaliwanag ang Kongreso ng Taong Bayan ay para sa ‘social justice’. Sana maging matagumpay sapagkat ang tatalakayin sa kongreso ay hindi ‘dilawan ka o pulahan ka’ ang tatalakayin ay kung paano gagawin sa ikabubuti ng nakakarami. So yun ang focus,” ang pahayag ni Wasan.
Ang talakayan ay bukas para sa lahat, libre at mayroon ding inilaang pagkain sa mga dadalo sa pagtitipon.
Ilan sa mga tampok na usapin ay ang Charter Change, kahirapan, epekto ng TRAIN law, Extra Judicial Killings at ang ginawang panggigipit ng gobyerno kay Sr. Patricia Fox.
“Ito ay isyu ng genuine care for the poor, yung mga walang kakayanan na ipagtanggol ang sarili. Ay sinong gagawa nun kundi tayo,” ayon kay WAsan.
Ayon kay Wasan, mahalagang matalakay at magkaroon ng kaalaman ang publiko sa mga usaping apektado ang lahat lalu na ang mga dukha.
Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa ‘Kongreso ng Taong Bayan’ ang mga magsasaka, mangingisda, urban poor, estudyante at mula sa academe.
Sa buwan ng Mayo, pangunahing panalangin ng Santo Papa Francisco ang mga layko para sa kanilang pagtupad sa misyon bilang mga kristiyano
Ayon kay Pope Francis, nawa ay maging handa ang mga layko sa pagharap sa mga pagsubok ng kasalukuyang panahon.
Ayon kay Pope Francis kinakailangan ang sama-samang panalangin upang magampanan ng bawat layko ang kanilang misyon na tinanggap mula sa binyag ang pagharap sa mga hamon ng kasalukuyang panahon.
Sa mga naunang pahayag ni Pope Francis, binigyan diin nito na ang tawag ng kabanalan ay hindi lamang sa mga pari at relihiyoso kundi maging sa mga layko na isabuhay ang ebanghelyo sa kanilang pamumuhay.
Sa Pilipinas, mula sa kabuuang 86 na milyong populasyon ng mga katoliko – 99 na porsiyento ay pawang mga layko o binyagang kristiyano.