339 total views
Inanyayahan ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines ang mga mananampalataya na makiisa sa pagdaraos ng Confessio Peccati.
Ayon kay Father Angel Cortez, OFM – Executive Secretary ng AMRSP, layunin nitong mahimok ang mga mananampalataya na magnilay at pagsisihan ang mga nagagawang kasalanan.
Nilinaw ni Father Cortez na hindi lamang para sa mga pari, relihiyoso at relihiyosa ang pagtitipon kungdi lalong lalo sa mga kabataan.
“Ngayon ay panahon ng kwaresma at napaka importante ng pag-amin natin at pagtanggap sa ating mga kasalanan. Ngayong taon ng kabataan, nais namin ipahayag sa lipunan na sa dinamidami nating mga issue na kinahaharap, meron parin tayong panahon para magnilay, may panahon pa rin tayong tignan yung ating mga sarili sa ating mga nagawang kasalanan lalong lalo na sa mga kabataan at sa lahat ng sektor ng lipunan.” pahayag ni Father Cortez sa Radyo Veritas.
Hinikayat pa ni Father Cortez ang mamamayan na isama din sa panalangin ang pag-amin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Pastoral Letter nito hinggil sa kakulangan, pagkakamali at pag-abuso ng ilang mga Pari.
“Like the leaders and members of any other human institution, no doubt, we, your bishops and priests have our own share of failures and shortcomings as well. We have already mentioned in our previous statement that we bow in shame when we hear of abuses committed by some of (us)…, that we hold ourselves accountable for their actions, and accept our duty to correct them…” Bahagi ng CBCP Pastoral Statement na Conquering Evil with Good.
Matapos ang Confessio Peccati, magkakaroon din ng pagninilay sa mga istasyon ng Krus na tatawaging “Daan ng Krus, Daan ng Paghilom.”
Ayon kay Father Cortez, sa bawat istasyon ng pagpapakasakit ng Panginoong Hesus ay mag-aalay din ng pananalangin para sa iba’t-ibang usaping panlipunan tulad ng suliranin sa kalikasan, ang lumalaganap na kultura ng pagpatay, ang patuloy na pagtaas ng bilihin at paghihirap ng mga Filipino, at ang pagtuligsa sa simbahan.
“Sa bawat istasyon ay meron tayong issue na bibigyang tingkad para pagnilayan, makita din natin na hindi lahat ng issue ay isa lang ang dapat nating sisihin kun’di tayo din bilang mga mananampalataya bilang mamamayan ay mayroong ding pananagutan.” Dagdag pa ni Father Cortez.
Isasagawa ang Confessio Peccati sa ika-30 ng Marso, araw ng Sabado, alas dos y medya ng hapon (2:30PM) sa Holy Trinity Parish, Calabash Road Balic-balic, Sampaloc, Manila sa pangunguna ni Father Eric Adoviso, Parish Priest ng naturang parokya.
Susundan ito ng Penitential Walk sa alas tres ng hapon (3:00PM) mula Holy Trinity Parish patungong St. Anthony Shrine, Sampaloc Manila, at ang pangwakas ay pamumunuan naman ni Father Cielito Almazan, OFM – AMRSP Co-Chairperson.