388 total views
Inaanyayahan ng Diyosesis ng Tarlac ang mananampalataya sa isasagawang ‘Day of Prayer, Fasting and Penance’ sa pangunguna ni Bishop Enrique Macaraeg.
Layunin ng gawain ang sama-samang magpapakumbabang pagdulog sa Diyos upang hingin ang habag at awa at tuluyang mawakasan ang coronavirus pandemic.
“As your pastor and shepherd, I ask you that we be united as God’s family on October 1, 2021, First Friday of the month and the Memorial of St. Therese of the Child Jesus to Pray, Fast and do Penance for the forgiveness of sins and for the end of this pandemic,” bahagi ng pahayag ni Bishop Macaraeg.
Tinuran ng obispo ang sinabi ng Panginoon sa banal na kasulatan na diringgin at pagagalingin nito ang sinumang lumuluhod at magbalik loob sa Diyos.
Pangungunahan ni Bishop Macaraeg ang Prayer of Exorcism sa San Sebastian Cathedral ganap na alas nuwebe ng umaga.
Isasagawa rin ang pagtatanod sa Banal na Sakramento at pag-aalay ng banal na misa bilang ito ay First Friday ng buwan ng Oktubre.
Hinimok din ng obispo ang mananampalataya na mag-ayuno kung saan susundin lamang ang alintuntunin ng pag-aayuno tuwing Ash Wednesday at Good Friday.
Magkakaroon din ng pangungumpisal, pagkakawanggawa sa mga higit nangangailangan sa lipunan.
Hinikayat din ni Bishop Macaraeg ang lahat ng mag-alay ng panahon sa pananalangin lalo ng Banal na rosaryo sapagkat ito rin ang simula ng buwan ng rosaryo.
“There is no need to gather as a multitude to pray. Let our homes, parishes, small communities be the focal point of prayer and penance,” ani Bishop Macaraeg.
Suportado naman ng lokal na pamahalaan ng Tarlac City ang hakbang ng diyosesis kaya’t hinimok nito ang mamamayan na makiisa sa gawain maging ang iba ang pananampalataya.
Sa datos ng Department of Health umabot na sa 2.5 milyon ang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19 sa bansa kung saan sa Tarlac nasa 15 libo ang kabuuang kaso subalit 163 lamang ang active cases.
Unang isinagawa ng Archdiocese of Manila ang ‘Day of Prayer, Fasting ang Penitential Walk’ noong June 1 sa pangunguna ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo kasama ang mga pastol ng simbahan ng arkidiyosesis.