563 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas 846 ang mamamayan na pakinggan ang inihandang special programming ng himpilan ngayong Mahal na Araw.
Ayon kay Riza Mendoza, Radio Manager ng himpilan na nakabatay ang mga pagninilay na ibabahagi ng mga pari, obispo at mga layko sa pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
Sa Miyerkules Santo, mapakinggan ang Chrism Mass mula sa Manila Cathedral at ang pagninilay ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church.
Sa Huwebes Santo naman Abril 1 ay mapakikinggan sa alas sais hanggang alas otso ng umaga ang Chrism Mass mula sa St. Joseph Shrine Cathedral sa Diyosesis ng Balanga sa Bataan na pangungunahan ni Bishop Ruperto Santos.
Susundan naman ito ng mga pagninilay nina Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo mula alas otso hanggang alas nuwebe ng umaga. Alas 9 hanggang alas 10 ang pagninilay ni Fr. Mike Laguardia mula sa Kerygma, alas 10 hanggang alas 11 naman si Fr. Arlo Yap, Executive Secretary ng Biblical Apostolate ministry ng CBCP, alas 11 hanggang alas 12 si Fr. Nolan Que na susundan naman ni Fr. Franz Dizon.
Mapakikinggan din sa Huwebes Santo si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr, Bro. Aron Gogna ng Kerygma, at ang lenten recollection ng The Lord’s Flock charismatic community.
Sa alas 3 hanggang alas 5 ng hapon ay mapakikinggan ang live coverage ng himpilan sa ‘washing of the feet at mass of the Last Supper’ mula sa Manila Cathedral.
Binigyang diin ni Mendoza na tampok sa special programming ng himpilan ang makasaysayang mga lugar sa pagdating ng krisityanismo sa bansa tulad ng Homonhon Island sa Guian Eastern Samar, Limasawa Island sa Leyte at ang Cebu kung saan itinanim ang binhi ng pananampalataya nang maganap ang unang binyag noong Abril 14, 1521.
Mapakikinggan din ang mga paring misyonero na kabilang sa mga kongregasyong nagpalaganap ng kristiyinismo sa Pilipinas limandaang taon ang nakalipas. Si Fr. Edwin Eusebio, OFM, Fr. Eugene Lopez, OFM Cap., Agustinian priest Fr. Dominic Don. Sa Biyernes Santo Abril 2, mapakikinggan ang Daan ng Krus ng bayan, mga pagninilay nina Fr. Jerome Secillano, Fr. Gerry Orbos, SVD, Fr. Matthew Dauchez, Fr. Joel Saballa, Fr. Christopher Esquiebel mula sa Limasawa Island.
Ala una hanggang alas tres mapakikingang ang Siete Palabras mula sa Santo Domingo Church na susundan naman ng Pagpaparangal ng Banal na Krus mula sa Minor Basilica of the Black Nazarene.
Sa Sabado Santo Abril 3, mapakikinggan ang mga pagninilay nina Balanga Bishop Ruperto Santos, Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones at Cubao Bishop Honesto Ongtioco.
Sa alas 6 ng hapon naman ang bihilya sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon mula sa Diyosesis ng Kalookan sa pangunguna ni Bishop Pablo Virgilio David.
Sa Linggo ng Muling Pagkabuhay mapakikinggan ang special programming para sa ika – 52 anibersaryo ng Radio Veritas 846 at Radio Veritas Asia mula alas 9 ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.