327 total views
Inaanyayahan ng Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) ang bawat mamamayan na tunghayan ang Documentary Series na “Lente”.
Ayon sa Project Lead ng Lente na si Paulo Ferrer, tampok nito ang anim na serye ng dokumentaryong tumatalakay sa ibat-ibang suliranin at usaping panglipunan sa Arkidiyosesis ng Lipa na maaaring mapanood sa official Facebook page ng LASAC.
“Target po ng ating proyekto na maipakita ang panlipunang realidad na nararanasan dito sa Archdiocese of Lipa,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Ferrer sa Radio Veritas.
Layunin din ng serye na mahimok ang mga mamamayan sa lalawigan ng Batangas na mamulat at makiisa sa mga inisyatibo ng Simbahan sa kanilang pagtugon sa ibat-ibang usaping panlipunan.
Ito ay ang mga paksa ng Disaster Response, Food Security, Scholarship Programs, Volunteer Programs, Resource Mobilization at Social Enterprises.
“Kaugnay po nito ay ang mahikayat ang mga Batangueño na maging kalahok, sa kung ano mang paraan na kaya nila, sa ginagawang pagtugon ng simbahan sa mga panlipunang isyung mga ito,” ayon kay Ferrer.
Pagbabahagi pa ni Ferrer, ang Documentary Series din ang paraan ng Arkidiyosesis upang matugunan ang mga suliraning kinakaharap ng lipunan.
Layunin din ng proyekto na mabigyang-daan ang pagkakaroon ng maayos na pamumuhay ng bawat mamamayan sa bansa na nahaharap sa maraming social issues.
“Ito po ang tugon ng lokal na simbahan ng Lipa. Umaasa kami na kung matutugunan ang mga isyung ito, maka-capacitate natin ang ating mga kababayan at maiaangat natin ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Kahit paunti-unti, basta tuloy-tuloy ay mababawasan ang insidente ng mga panlipunang realidad na ito,” ayon pa kay Ferrer.