305 total views
Nanawagan ng aktibong partisipasyon ng mamamayan ang CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care at Military Ordinariate upang ipalaganap ang kaalaman at responsibilidad ng bawat isa para matigil na ang kaso ng Extra Judicial Killings sa bansa.
Ayon kay Military Ordinariate Bishop Leopoldo Tumulak – chairman ng kumisyon, hindi lamang tungkulin ng pamahalaan ang pagtiyak sa kaayusan at kaligtasan ng bawat mamamayan sa halip ay dapat ring makibahagi ang lahat ng sektor ng lipunan.
“Sa palagay ko kapag marami ang nag-participate, maraming tutulong na maikalat ang awareness at responsibilidad sa mga mamamayan, ma-minimize ang Extra-Judicial Killings, kailangan natin ang participation at responsibilidad, we cannot leave the government alone. I think the government will be happy about it na talagang makita nila ang tulong natin, and in fact maraming nagawa ang mga parokya, ang mga diyosesis,” pahayag ni Bishop Tumulak sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng Obispo ang kahalagahan ng mga maliliit na pagkilos at programa ng iba’t ibang sektor tulad ng mga parokya ng Simbahang Katolika upang gabayan ang pamahalaan sa kampanya nito sa kalakalan ng illegal na droga.
Batay nga sa pinakahuling datos ng Philippine National Police, tinatayang umaabot na sa higit 4 na libo ang napatay sa patuloy na War on Drugs ng pamahalaan.
Tinitiyak naman ng Simbahan ang pag-agapay sa mga sumukong drug personalities, kung saan kamakailan lamang ay opisyal na pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagsisimula ng programang SANLAKBAY SA PAGBABAGO NG BUHAY na siyang tugon ng Simbahan sa War on Drugs ng pamahalaan at pagdideklara ng Extra Jubilee Year of Mercy ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Sa Archdiocese of Cagayan, katuwang ng arkidiyosesis ang lokal na pamahalaan sa ‘Coalition for Drug Free-Society” drug rehabilitation program.
Itinatag din ng Diocese of Masbate ang “Farm It Works Balay Kahayag Chemical Dependency Treatment Center” para sa mga drug surenderers.
Pinangunahan naman ni Father Luciano Feloni, isang Argentine priest at pastor of Our Lady of Lourdes Parish sa Caloocan City ang “Healing, not killing”community based rehab program para sa mga sumukong drug addict at pushers.
Itinatag naman ng Diocese of Novaliches katuwang ang Quezon City government ang AKAP o Abot-Kamay Alang-Alang sa Pagbabago, diocesan community based drug rehab program.
Operational na rin ang SAGIP BUKAS rehab center ng Diocese of Paranaque, Fazenda da Esperanca ng Diocese of Dumaguete, Harong Paglaom project ng Diocese of Legazpi, Wellness Camp Rehab program ng Diocese of San Carlos, SuGod(surrender to God) drug recovery program ng Archdiocese of Cebu at MASA-MASID-UBAS program ng Archdiocese of Jaro at Diocese of Kalookan.