273 total views
June 6, 2020-5:32pm
Nananawagan ang opisyal ng simbahan sa mga mambabatas na suriing mabuti ang mga probisyon ng isinusulong na Anti-Terror bill.
Ayon kay Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo, tila minadali ng ang pagpasa sa batas at maihabol sa huling araw ng sesyon ng Kongreso ngayong Hunyo.
Panawagan pa ni Bishop Pabillo kay Pangulong Rodrigo Duterte na isantabi ang panukala na una ng pumasa sa Mababang Kapulungan dahil na rin sa mga hindi malinaw na probisyon lalu na sa pakahulugan ng terorismo at terorista.
“I-veto niya yung bill o kaya baguhin yung ibang mga provisions o i-veto niya muna kasi nakita natin minadali na mapasa bago dumating ang June 5 at ipinasa one day before,” ang bahagi ng pahayag ni Broderick Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi rin ni Bishop Pabillo na siya ring Chairman ng CBCP– Episcopal Commission on the Laity ang kanyang mga pangamba sa mga probisyon na nilalaman ng panukalang batas na maaring magamit sa pang-aabuso sa karapatang pantao.
“Ako po ay nati-terrorize sa Anti-Terror Bill, nakakatakot yung Anti-Terror Bill na ‘yan dahil po sa maraming mga provisions niya ang vague kunwari ano ba yung terrorism, ano ba yung dahilan na pwedeng i-apprehend ang mga tao so very vague so madaling pwede i-abuse ng mga otoridad,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Hinikayat din ng Obispo ang mamamayan na patuloy na magsalita at magpahayag ng saloobin laban sa naturang panukalang batas na maaring magsantabi sa mga karapatan ng bawat mamamayan.
Kinilala rin ni Bishop Pabillo ang pagsasalita at paninindigan ng iba’t ibang sektor ng lipunan laban sa panukalang batas kabilang na ang mga mamumuhunan, mga unibersidad at mga nagsusulong ng karapatang pantao sa bansa.
“Maganda ngayon ay marami ang nagsasalita, nagsasalita ang business, nagsasalita ang mga schools, nagsasalita ang mga human rights groups at dahil diyan ngayon medyo napipigil-pigilan sila kaya kailangan tayo magsalita ngayon kasi baka bukas hindi na tayo makapagsalita, baka magsalita ka terorista ka na,” panawagan ni Bishop Pabillo.
Nauna ng sinertipikahang bilang “urgent” ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na layuning amyendahan ang kasalukuyang Anti-Terrorism Law na umiiral sa bansa.