415 total views
Hinihikayat ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang mananampalataya lalo na ang mga kumakandidato na makiisa sa taunang pagdiriwang ng Earth Hour.
Ayon kay Bishop Mangalinao, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na layunin ng Earth Hour na ipabatid sa bawat isa na tayo ay mayroon lamang iisang mundong ginagalawan at dapat na pakaingatan.
Sinabi ng obispo na ang pagpapatay ng ilaw at iba pang kagamitang de kuryente sa loob ng isang oras ay makakatulong upang mabigyang-pahinga ang mundo mula sa iba’t ibang gawain ng tao na nakakasira na sa kapaligiran.
“Tayo ay magkakasama bilang magkakapatid at sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw ay ipinapahinga natin ang ating buhay sa paggamit ng mga kuryente upang magkaroon tayo ng mas ibayong pagpapahalaga sa ating buong buhay sa kasalukuyan,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Dalangin naman ni Bishop Mangalinao na nawa ang paggunita sa Earth Hour ay hindi lamang manatili sa loob ng isang oras, bagkus ay mas lalo pang lumalim at lumawak upang patuloy na yumabong tungo sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
“Sana po ang simbolo na ito ay magpalalim at magpalawak pa ng ating magagawa para po sa ating mundong ginagalawan,” ayon sa Obispo.
Tema ng Earth Hour 2022 ang ‘Shape Our Future’ na napapanahon dahil sa Mayo ay isasagawa ang National and Local Elections sa bansa.
Ang ika-15 ‘Earth Hour’ ay ipagdiriwang sa March 26, sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at sa buong mundo tampok ang pagpapatay ng mga ilaw mula alas-8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Ito ay inisyatibo ng World Wide Fund for Nature-isang international non-government organization na unang isinagawa sa Sydney Australia noong 2007 at 2008 naman nang ilunsad sa Pilipinas.