376 total views
Muling hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care ang publiko na magpa-booster shot bilang karagdagang proteksyon laban sa coronavirus disease.
Kasunod ito ng pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga open area at mga lugar na may sapat na daluyan ng hangin.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, MI, executive secretary ng komisyon na bagamat kusang-loob na lamang ang paggamit ng face mask, hindi pa rin dapat makampante ang publiko dahil nananatili pa ring banta ang COVID-19 sa lipunan.
“Hindi pa tapos ang laban ng COVID-19. May mga kaso pa rin tayo, at ang mga kasong ito ay libo pa rin araw-araw… Sana huwag nating kalimutan na kahit na bumabalik na tayo pakonti-konti doon sa “normal” na kalalagayan ng buhay, dapat panatilihin pa rin nating proteksyunan ang ating sarili at lalong lalo na, magbigay ng proteksyon sa ibang tao,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ng opisyal ng CBCP na marami pa ring tumatangging kumuha ng COVID-19 vaccine dahil sa pangambang lalong mahawaan ng virus.
Paliwanag ni Fr. Cancino, napatunayan nang mabisa ang epekto ng bakuna at marami na ring nailigtas mula sa pagkakaroon ng malalang sintomas ng sakit.
Dagdag pa ng pari na ito’y pagtugon na rin sa panawagan ng Kanyang Kabanalang Francisco sa pagmamalasakit upang tuluyan nang malunasan ang umiiral na pandemya.
“Sa mga hindi pa po nagpapabooster shot, lalong lalo na sa mga talagang nangangailangan, mag-avail po talaga tayo nito. Ito ang ating ambag sa pandaigdigang tawag ng ating Santo Papa na ang pagpapabakuna ay isang aksyon ng pag-ibig at pagmamahal,” panawagan ni Fr. Cancino.
Samantala, kaakibat ng bagong panuntunan sa paggamit ng face mask ay mananatili pa ring ipatutupad ang pagsusuot nito sa health facilities, pribado at pampublikong establisimyento at mga pampublikong transportasyon.
Hinihikayat din ang pagsusuot ng face mask sa mga may karamdaman at matatanda na madaling mahawaan ng iba’t ibang uri ng karamdaman.
Sa huling ulat ng Department of Health, nasa higit 25,000 ang kasalukuyang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan nananatili ang National Capital Region sa pinakamataas na nakakapagtala ng aktibong kaso na ngayo’y umabot sa halos 9,000.