1,100 total views
Pinaalalahanan ni Camillian Father Dan Cancino ang publiko na paigtingin ang pagsusulong at pagtangkilik sa bakuna laban sa coronavirus disease.
Pinayuhan ni Fr. Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang mamamayan na na isaalang-alang ang kalusugan ng kapwa sa patuloy na banta ng COVID-19.
“Nandyan pa rin ang hamon ng COVID-19. Meron tayo sa ating lipunan na populasyon na bulnerable—mga bata, mga may edad, mga may karamdaman, at dapat natin silang protektahan,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak ng pari na patuloy na itataguyod ng simbahan ang layunin ng pamahalaan na pangalagaan ang mamamayan laban sa virus sa pamamagitan ng COVID-19 vaccination.
Paliwanag ni Fr. Cancino na ang pagpapabakuna ay hindi lamang para sa kaligtasan ng sarili, bagkus para din sa kapwa upang maiwasang mahawaan ng nakamamatay na virus.
“’Yung mga hindi pa nagpapa-booster shot na available pa po, mag-access po tayo nito. Huwag natin sayangin ang mga pagkakataong ito. Sabi nga ni Pope Francis, ito ‘yung gawain ng pag-ibig—pag-ibig sa kapwa, pag-ibig sa bayan, pag-ibig sa Diyos, at pag-ibig din natin sa ating mga sarili,” saad ni Fr. Cancino.
Hinimok ng opisyal ang lahat na sumunod sa minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol, at ang physical distancing.
Sa huling ulat ng Department of Health, mula Enero 9 hanggang 15 ay halos 3,000 ang naitalang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Higit naman sa 73-milyong indibidwal o 94 percent ng target population ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine, habang 21 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng booster shots.