478 total views
Pinaalalahanan ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio ang mamamayan at manggagawa na sundin ang mga ipinatutupad ng minumum health protocols laban sa banta ng COVID-19 upang hindi na magkaroon ng mahihigpit na lockdowns.
Ito ay matapos iulat ng Octa Research Group na maaring maitala sa 400 hanggang 500 ang kaso kada araw sa National Capital Region (NCR) ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa mga huling araw ng Hunyo na maaring magdulot ng mas pinahigpit na alert level status.
Panawagan ng Obispo sa bawat mamamayan ang pagtitiwala sa pamahalaan at mga ipinatutupad na polisiya laban sa banta ng virus.
“Let us trust also on the government na mayroon silang magagawa kasi kung talagang inuudyok natin na talagang walang magagawa, ay para bang wala tayong mapupuntahan, so yun ang tingin ko diyan, let’s just try to do what we can do, anomang pinapagawa sa atin kahit noon pa man na bigyan ito natin ng pagsunod na maganda naman ang kinagisnan natin, and then yung konting tiwala lang tayo sa government lalung-lalu na because they are also doing their job,” ayon sa panayam ng Radio Veritas.
Pananalangin ni Bishop Florencio na bagamat base sa pag-aaral ang naging ulat ng Octa Research ay hindi ito magkatotoo upang hindi narin magkaroon ng karagdagang pangamba sa isipan ng mga mamamayan.
Hinimok rin ng Obispo ang bawat mananampalataya na manalangin sa Panginoon sa pagharap sa mga pagsubok na dulot ng pandemya.
“At ang dasal ko dito na continue ang paniniwala sa Panginoon because it is the Lord who gives us at sa lahat ng ito at siya rin ang gagawa ng paraan, let’s just try to keep our hands/finger crossed so that itong lahat ng ito ay maibsan o di kaya mawala na ito hoping in the Lord because the lord will always be there to guide us,” ayon pa sa Obispo.
Una ng nilinaw ng Octa Research group na bagamat natuklasan sa kanilang pag-aaral ang dami ng maaring maitalang kaso kada araw sa NCR ay nanatiling ‘low risk’ ang lugar.