329 total views
Patuloy na hinihikayat ng Health Care Ministry ng Diocese ng Kalookan ang sambayanang Pilipino na magpabakuna.
Ayon kay Fr. Rene Richard Bernardo, Head ng Diocesan Health Care Ministry, mas kinakailangan ng publiko ang proteksyon na mula sa bakuna upang makaligtas mula sa higit na panganib na dala ng virus.
Ang pahayag ng Pari ay kaugnay na rin sa pangamba ng publiko na magpabakuna dulot na rin ng mga ulat na kabilang sa mga nahahawa at nasasawi dahil sa COVID-19 kahit pa nakatanggap na ng kumpletong bakuna.
“Dahil ang bakuna nagpapalaki ng chance natin na mabuhay at ‘wag magkaroon ng malalang sintomas,” ayon pa kay Fr. Bernardo.
Giit ng Pari, mas higit na dapat magpabakuna lalo na’t ayon sa datos ng Department of Health na karamihan sa kaso ng mga nahahawaan at may malalang sintomas ay ang mga taong walang bakuna laban sa COVID-19.
Dagdag pa ni Fr. Bernardo, “Kung naniniwala tayo na may ginagawa ang Diyos sa kasalukuyang pandemya, dapat ay maniwala din tayo na ang matagal na nating ipinagdasal na solusyon ay binigay na Niya, at ito ay ang bakuna. Dahil nais ng Diyos na matuldukan na ito bunga ng ating matagal ng idinasal. Walang bababang anghel para sa isang kurap wala na ang COVID, bagkus mas nanaisin ng Diyos na magtulungan tayo sa vaccination program para matapos na ang pandemya.”
Hinimok din ng Pari ang publiko na maging daan para sa pagpapahayag ng wastong kaalaman hinggil sa bakuna gayundin ang mga dapat at hindi dapat paniwalaang impormasyon sa COVID-19 vaccine.
“Walk-ins sa mga parokya”
Tiniyak din Diyosesis ng Kalookan na patuloy na bukas ang Simbahan para sa mga nais na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Fr. Bernardo, ang programa ng Simbahan at lokal na pamahalaan ay magpapatuloy hangga’t may nais na magpabakuna at mayroong suplay ng bakuna.
Ipinapabatid din ng pari na tumatanggap na rin sila ng mga ‘walk-ins’ maging sa mga nais na magpabakuna na mula sa ibang lugar.
Sa kasalukuyan, ang Diyosesis ay may 12 parokya na nagsisilbi bilang mga vaccination centers kung saan umaabot na sa 60-libo katao ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan ng Diyosesis.