13,654 total views
Hindi pa rin napapawi ang pangamba ng maraming residente sa lalawigan ng Abra dahil sa patuloy na nararanasan na mga aftershocks matapos ang naganap na magnitude 7 na paglindol noong nakaraang araw ng Miyerkules.
Sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Veritas sa isa sa mga kinatawan ng Social Action Center ng Diocese of Bangued (Abra), sinabi ni Asuncion Reyes na hanggang sa kasalukuyan ay may kalakasan pa din ang kanilang mga nararanasang aftershocks halos dalawang araw makalipas ang malakas na paglindol.
Ibinahagi ni Asuncion ang abiso ng mga otoridad sa mga residente na manatili sa labas ng kanilang mga tahanan lalo na kung napinsala ito ng lindol.
Inihayag ni Asuncion na maraming pamilya ang nanatili ngayon sa mga evacuation camps sa Bangued, Abra habang marami sa mga istraktura ng Simbahang Katolika ang nasira.
“We are advice to stay outside our houses, may ibang mga lugar na isolated due to landslide dito mismo sa Bangued may mga families na nasa covered court sa plaza, maraming bahay, churches and chapels ang nasira,” mensahe na pinadala ni Asuncion sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, sinabi ni Asuncion na suliranin ang pagkain at inumin tubig sa Diyosesis matapos na masira din ang linya ng tubig habang hindi pa normal ang linya ng elektrisidad at internet.
“Food, hygiene kits ang immediate need [dito] nasira din ang linya ng tubig. We cannot conduct ocular visit kasi sunod-sunod pa ang mga aftershocks. Mahirap ang trasnportation kasi putol at na-slides mga kalsada at tulay,” pahayag ni Asuncion na siya rin Scholarship Program Coordinator ng Caritas Manila sa lalawigan.
Una nang inihayag ng Social Action Director ng Diocese of Bangued na si Rev. Fr. Jeffrey Bueno na 24 na parokya sa 27 munisipalidad ng Abra ang labis na naapektuhan ng naganap na paglindol.
See: https://www.veritasph.net/24-parokya-sa-diocese-of-bangued-apektado-ng-lindol/
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS umabot na sa mahigit 800 aftershocks ang naitala sa lalawigan ng Abra buhat ng maganap ang malakas na lindol.
Isa rin sa mga labis na napinsala ng lindol ang Archdiocese of Nueva Segovia sa Ilocos Sur kung saan maraming kabahayan, Simbahan at tourist destination ang nasira.