405 total views
Hindi pa rin nakakatiyak ang mga residente ng Albay sa posibleng malakas na pagsabog ng bulkang Mayon.
Ito ayon kay Fr. Rey Arjona, social action center director ng Diocese of Legazpi sa kabila ng bahagyang pagpayapa ng bulkan sa mga nakalipas na araw.
Ayon sa pari, bagama’t mahina ay patuloy pa rin ang lava flow sa dalisdis ng bulkan at ang pagyanig.
“At this time hindi pa rin nakaksiguro. Kakampante kami kapag wala na ang lava flow at volcanic quakes. So we are not taking chances,” ayon kay Fr. Arjona.
Base sa pinakahuling tala may higit pa rin sa 67,000 katao ang nasa evacuation centers at nananatili pa rin ang pag-iral ng 8 kilometer danger zone.
Sinabi pa ni Fr. Arjona na hanggang ngayon ay tuloy-tuloy ang pagbibigay ng relief goods hindi lamang mula sa pamahalaan kundi maging sa bahagi ng simbahan at ilan pang grupo.
“Nagpapasalamat kami sa tumutulong. Ramdam na ramdam namin ang pagtutulungan ng ating mga kababayan. So far hindi pa naman nawawalan ng nagbibigay, sumusuporta o na-augment sa binibigay ng gobyerno,” ayon sa pari.
Bukod sa relief goods, nagsasagawa na rin ng psycho-social, entertainment activities ang iba’t ibang volunteers para sa mga evacuees.
“It helps really the evacuees kasi hindi lang naman talaga pagkain. Kundi yung mararamdaman mo na hindi ka talaga pinapabayaan,” dagdag pa ng pari.
Unang nanawagan ng patuloy na panalangin at tulong si Legazpi Bishop Joel Baylon lalu’t hindi pa nakakatiyak kung hanggang kailan ang pananatili ng mga residente sa mga evacuation centers.