229 total views
Umapela ng Panalangin ang Diocese of Marbel matapos makaranas ng magnitude 7.2 ang Sarangani, Davao Occidental at iba pang mga kalapit bayan.
Ayon kay Rev. Fr. Ariel Destora, Social Action Director ng Diocese, labis na takot at pagkabahala ang naranasan ng mga residente ng Sarangani at General Santos City dahil sa paglindol at paglalabas ng Tsunami warning alert ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na siya rin namang inalis agad makalipas ang ilang oras.
Nagpapasalamat si Fr. Destora na wala pang naiuulat na casualty sa mga nasasakupan ng kanilang mga Parokya bagamat patuloy pa ang kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan at pagdarasal ng kaligtasan mula sa naganap na paglindol.
“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng mga nagdarasal para sa ating mga kapatid na nasa SOCKSARGEN na naapektuhan nitong lindol pero nandiyan pa din ang takot pero sana sa tulong at awa ng Diyos at tulong ng iba’t-ibang grupo sana po ay mahupa din yung nararamdaman takot ng ating mga kababayan.”pahayag ni Fr. Destora sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak ni Fr. Destora na naka-antabay ang Social Action Center ng Diocese of Marbel para tumulong sa mga nangangailangan.
“Ang Social Action po ng Marbel ay naka-ready po na tumulong ano man ang mga pangangailangan” dagdag pa ni Destora.
Kaugnay nito, Umapela din ng pagdarasal si Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez para sa kaniolang mga kababayan.
Aminado naman ang Obispo na ilang mga gusali ng mga Simbahan ang bahagyang naapektuhan ngunit ipinagpapasalamat nito na hindi labis ang pinsala lalo na sa buhay ng mga residente.
Sa Archdiocese of Cotabato, bagamat walang ding naitalang malaking pinsala ang nasabing lindol ay tiniyak ng Social Action Director nito na si Fr. Cliffor Baira na nakahanda sila sa ano mang pagtulong at pakikipagtulungan sa mga naapektuhan maging sa mga kalapit na diyosesis.
“Dito ako ngayon sa boundary ng Cotabato at Marbel pero pabalik ako doon ngayon sa center ng Cotabato ngayong hapon and then titingnan ko doon kung ano ang damage. Pero dito sa area ng Tacurong city wala namang epekto.” Pahayag ni Fr. Baira.
Magugunitang ang Pilipinas ay kabilang sa tinatawag na ‘pacific ring of fire’ kung saan madalas ay nararanasan ang mga paglindol.
kamakailan lamang ay nakaranas ng pagyanig ang lalawigan ng Batangas kung saan umabot sa 18 milyong piso ang halaga ng pinsala.