711 total views
Hinimok ni Romblon Bishop Narciso Abellana ang mga mananampalataya ng lalawigan ng Romblon na isabuhay ang pagpapahalaga sa inang kalikasan.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Obispo kaugnay sa panawagang pigilan ang operasyon ng pagmimina sa Sibuyan Island.
Ayon kay Bishop Abellana, dapat pag-isipang mabuti ng bawat isa ang mga desisyon hinggil sa pagmimina at huwag nang hintayin pang dumating at maranasan ang magiging epekto nito sa paglipas ng panahon.
“Siguro kung titingnan natin sa tema ng pagmimina, kung darating itong epekto na hindi maganda, ito’y dahil hindi tayo nakinig, hindi tayo nagsisisi. Pakinggan natin kung ano ang sigaw ng ating budhi, ng ating konsensiya,” ayon kay Bishop Abellana.
Binigyang-diin ng Obispo na kaakibat ng pangangalaga sa mga likas na yamang likha ng Diyos ay ang pangangalaga rin sa buhay ng tao.
Sapagkat, kung patuloy na aabusuhin ang mga likas na yaman, ang polusyong magmumula rito ay magdudulot din ng panganib sa buhay at kalusugan ng tao.
“Ang ginawa ng Diyos ay para sa ikabubuti ng tao para sa ating ikabubuhay. Kung taliwas nito ang mangyayari, dapat din nating tutulan…Ang kaugnayan n’yan sa atin ay magkakaroon tayo ng mga sakit,” saad ni Bishop Abellana.
Nabanggit naman ni Bishop Abellana na ang kumpanyang may hawak sa operasyon ng pagmimina sa Sibuyan Island ay may kaugnayan sa malalaking korporasyon na nagdulot na ng matinding pinsala sa likas na yaman ng bansa.
Sinabi ng Obispo na batay sa kanilang pagsasaliksik, ang Altai Philippines Mining Corporation (APMC) na responsable sa pagmimina sa isla ng Sibuyan ay may kaugnayan sa Marinduque Mining at Nonoc Mining and Industrial Corporation.
Ang dalawang kumpanya ang nagbunsod sa maituturing na “golden era” ng pagmimina sa lalawigan ng Marinduque at sa Nonoc Island sa Surigao del Norte noong taong 1975 hanggang 1982.
Ngunit nang matapos na ang pagmimina ay nag-iwan ito nang matinding suliranin sa kalikasan at magpahanggang ngayon ay nagpapahirap sa mga apektadong residente.
Ito ang higit na pinangangambahang mangyari ni Bishop Abellana para sa Sibuyan Island kaya’t mariin nitong tinututulan ang pagpasok ng pagmimina sa isla.
“Para sa akin ang lahat ng bagay ay bigay ng Diyos upang ating gamitin. Pero kung ito ay gagamitin upang patayin lang tayo, hindi na yata tama ‘yon,” giit ng Obispo.
Batay sa mga ulat, nagsimula na muli ang operasyon ng APMC sa Sibuyan Island at nagsasagawa rin ng pag-iikot sa mga pamayanan upang hikayatin ang mga residente hinggil sa mga benepisyong makukuha sa pagmimina.
Ang isla ng Sibuyan ay itinuturing bilang “Galapagos of Asia” dahil sa pananatili nitong nakahiwalay sa anumang bahagi ng Philippine Archipelago at nagsisilbing tahanan para sa iba’t ibang uri ng hayop at halaman.