2,867 total views
Huwag kalilimutan ang pagpapahalaga at pangangalaga sa kalusugan.
Ito ang tagubilin ni Camillian Father Dan Cancino, kaugnay sa patuloy na pangangalaga sa kalusugan sa kabila ng unti-unting pagbuti ng kalagayan ng lipunan mula sa coronavirus pandemic.
Ayon kay Fr. Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care na naranasan ng lahat nitong pandemya ang pangalagaan ang sarili, lalo’t higit ang kapwa mula sa mapanganib na epekto ng COVID-19.
Sinabi ng pari na sa panahong ito nasukat ang katatagan ng loob at pananampalataya ng bawat isa sa kabila ng mga pinagdaraanang mabibigat na pagsubok.
“Ngayong bumabalik na tayo sa normal, sana huwag natin kalimutan ang kahalagahan ng kalusugan. Regalo ang kalusugan. Nakita natin sa panahon ng COVID-19 kung ano ‘yung mahalaga–‘yung buhay, kalusugan, pamilya, at pananampalataya,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihiling naman ng pari na sa pagluwag ng mga panuntunan laban sa COVID-19, patuloy nawang sundin ng publiko ang pagsusuot ng facemask bilang pag-iingat sa pansariling kalusugan at ng kapwa, lalo na ang mga matatanda at mahihina ang katawan sa mga karamdaman.
“Kung meron man tayong karapatan na magtanggal ng mask, mayroon din tayong responsibilidad na magsuot din ng mask para sa kapakanan ng ating mga kapanalig lalong lalo na ang mga immunocompromized. Iyon talaga ang proteksyon natin e. Pinoproteksyonan natin ang ating sarili, po-proteksyonan din natin ‘yung iba,” ayon kay Fr. Cancino.
Ang mensahe ni Fr. Cancino ay kaugnay rin sa paggunita sa 31st World Day of the Sick na may temang “Take Care of Him”: Compassion as a synodal exercise of healing.