170 total views
Muling pinaalalahanan ng health care ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang publiko na huwag maging kampante sa kabila ng patuloy na pag-iral ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Camillian priest Father Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Healthcare, dapat panatilihin ng mamamayan ang pag-iingat at pagiging handa dahil na rin sa panibagong banta ng Omicron subvariant BA.2.12.
“Samakatuwid, kung nand’yan pa rin ang COVID-19, tayo ay mas maging mapagmatyag. ‘Yung ating kamalayan ay taasan pa natin. Hindi pa tapos ang laban natin sa COVID-19. Huwag tayong magbaba ng ating mga armas, ng ating pagiging vigilant,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Hamon ng pari ang pagsisikap na paigtingin ang kamalayan ng bawat isa hinggil sa pag-iingat laban sa COVID-19, sa pamamagitan ng pagbabasa ng iba’t ibang impormasyon na may kaugnayan sa pagbabago o mutation ng virus na maaaring magpalala o magpahina ng epekto nito sa katawan.
Hinikayat din ni Fr. Cancino ang pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine na napatunayan na ng mga eksperto na nagbibigay ng karagdagang proteksyon laban sa nakahahawang virus.
Ipinaliwanag ni Fr. Cancino na mas makabubuting kumpletuhin ang dosage ng COVID-19 vaccine tulad ng pagtanggap sa 1st at 2nd dose nito, gayundin sa 1st at 2nd dose naman ng booster shots.
Ito’y upang mas tumaas pa ang pananggalang ng katawan laban sa matinding epekto ng virus lalo na sa bagong Omicron subvariant.
“Tayo ay mag-avail talaga nito dahil ang mga eksperto na ang nagsalita na habang tayo ay naglalakbay, ang ating immunity dulot ng pagbabakuna ay bumababa rin naman. Kaya kailangan nating pataasin muli ang ating immunity,” giit ni Fr. Cancino.
Batay sa tala ng Department of Health, umabot na sa higit 147-milyong doses ng bakuna ang naipamahagi sa bansa.
Sa nasabing bilang, halos 66-milyon rito ang nakatanggap na ng 1st dose, halos 68-milyon ang kumpleto na sa bakuna, habang nasa higit 13-milyon naman ang nakatanggap na ng booster shots.