15,073 total views
Pinaalalahanan ng Nutrition Foundation of the Philippines (NFP) ang mamamayan na sikaping kumain ng sapat, balanse, at masustansiyang pagkain araw-araw.
Ayon kay NFP Board Secretary, Nutritionist and Dietitian Rhea Benevides-de Leon, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na dami at wastong kombinasyon ng mga pagkain upang magkaroon ng malusog na pangangatawan.
Ibinahagi ni de Leon ang Pinggang Pinoy na inilunsad ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na nagsisilbing gabay upang makuha ang sustansiyang nagmumula sa tatlong basic food groups na Go, Grow, and Glow Foods.
Sinabi ng nutritionist na ang kalahati ng isang pinggan ay dapat naglalaman ng Glow Foods tulad ng prutas at gulay na nagtataglay ng mga bitamina at mineral, at nakatutulong sa pagpapanatili ng malusog na cells sa katawan.
“Sa Pinggang Pinoy…ang Glow foods na nanggagaling sa prutas at gulay ay dapat kalahati ng ating pinggan…kaya kapag healthy ang cells, nagkakaroon ng parang glowing ng skin at ng buong katawan kasi tama ang sustansiya na meron,” ayon kay de Leon sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Habang ang kalahati naman ng pinggan ay nahahati sa dalawa para sa Go Foods tulad ng kanin at tinapay na mayaman sa carbohydrates at calories bilang source of energy; at Grow Foods tulad ng mga karne ng baboy, baka, manok, isda, at iba pa na malakas sa protina at nakatutulong sa pagbuo ng cells at tissues sa katawan.
Mahalaga rin ang pag-inom ng dalawa hanggang tatlong litro ng tubig araw-araw para makatulong sa maayos na digestion at pagtanggap ng sustansiya ng katawan.
Inihayag ni de Leon na bukod sa pagkain ng sapat at masustansiyang pagkain, iminumungkahi rin ang pagkakaroon ng sapat na ehersisyo at pisikal na gawain araw-araw.
“Sa mga adult na 18-64 years old, ayon sa World Health Organization, dapat mayroong 150 minutes of physical activities sa isang linggo o 30 minutes kada araw tulad ng walking, cycling, and stretching,” saad ni de Leon.
Tema ng National Nutrition Month 2024 ang “Sa PPAN (Philippine Plan of Action for Nutrition): Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat”, na naglalayong pagtuunan ang PPAN 2023-2028 upang mapabuti ang nutrisyon ng bansa, at matugunan ang pangunahing sanhi ng malnutrisyon tulad ng kawalan ng katiyakan sa pagkain at kahirapan.
Una nang hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang mamamayan lalo na ang mga magulang na mahalagang sa tahanan pa lamang ay naibabahagi na ang pagkakaroon ng kaalaman hinggil sa tama at sapat na nutrisyon sa mga bata upang lumaking malusog ang pangangatawan.