376 total views
Hinikayat ng Diocese of Baguio ang mananampalataya na kasabay ng pananalangin at pagninilay ngayong Semana Santa ay patuloy pa ring sundin ang mga minimum health protocols laban sa COVID-19.
Batid ni Baguio Bishop Victor Bendico na nananabik ang mga tao dahil makalipas ang dalawang taong pagsasara ng mga simbahan dulot ng pandemya ay muli nang makakapagsagawa ng mga pampublikong pagdiriwang sa mga simbahan ngayong Mahal na Araw.
“This is really a period na tayo ay nagbabalik na naman ulit sa pinakaimportanteng semana ng buong taon. I know na this is something that the people have been looking forward dahil bumaba na nga ‘yung alert level,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Kasunod din ito ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pahintulutan na ang 100-percent capacity sa pagsasagawa ng religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert level 1.
Ikinatuwa naman ni Bishop Bendico na sa Our Lady of the Atonement Cathedral o Baguio Cathedral ay makikita ang pagdagsa ng mga mananampalataya upang magsimba gayunman hindi na nasusunod ang social distancing.
Kaya paalala ng obispo na mabuting ipagpatuloy pa rin ang pagsusuot ng mga face mask at paggamit ng alcohol bilang proteksyon sa banta ng COVID-19.
Nauna rito ay nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko para sa paggunita ng Semana Santa na huwag pa rin maging kampante dahil nananatili pa rin sa paligid ang banta ng pandemya.