320 total views
Kinakailangan ang higit na pag-iingat ng bawat mamamayan mula sa banta ng COVID-19 virus sa bansa.
Ito ang mensahe ni Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm. – Co-Executive Secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) kaugnay sa paglapas sa 2-milyon ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon sa Pari, bilang mga Kristiyano’t Katoliko ay mahalagang tiyakin ng bawat isa ang kapakanan at kaligtasan ng kapwa.
“Hindi na ako nabigla kung bakit dumadami [ang cases ng COVID-19] nag-2-million na tayo and counting, it’s increasing it’s not actually decreasing so siguro as Church, as Church people yung mananampalataya we have to take care of our health and we have to have concern not only of ourselves but also of others,” pahayag ni Fr. Buenafe sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Pari, kaisa ng COVID-19 Commission ng Vatican na pinangangasiwaan ng Dicastery for Promoting Integral Human Development ang AMRSP sa pananawagan sa bawat isa na higit na mag-ingat at magmalasakit sa kapwa ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi ni Fr. Buenafe na bahagi rin ng patuloy na panawagan ng Simbahan ang pagpapabakuna ng bawat isa bilang proteksyon sa mas malalang epekto ng virus sa katawan at kalusugan na inaasahang ring magdudulot ng herd immunity mula sa COVID-19.
“Nanawagan kami ang AMRSP kasama ang Dicastery [Dicastery for Promoting Integral Human Development] at saka ang COVID-19 Commission ng Vatican ay nananawagan na please take care of yourselves, the virus is real and get vaccinated if given the opportunity,” dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Samantala, binigyang diin rin ng Pari ang tuwinang pagiging mapanuri sa mga impormasyong nababasa at ibinabahagi tungkol sa COVID-19 lalo na sa social media kung saan naglipana ang fake news.
“Sa fake news [about COVID-19], sa mga hindi mo alam kung totoo o hindi always go to the truth, so go to the legitimate sources ng mga information lalo na sa social media,” ayon pa kay Fr. Buenafe.
Batay sa opisyal na tala ng Department of Health (DOH) sa pagpasok ng buwan ng Septembre ay umabot na sa mahigit 2-milyon ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Noong Abril lamang rin ng kasalukuyang taong 2021 naitala ng DOH ang 1-milyon ang kaso ng nakahahawa at nakamamatay na sakit sa bansa mula ng magsimula ang pandemya noong nakalipas na taon, dahil dito tinatayang nakapagtala ang Pilipinas ng isang milyong bagong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng mahigit 4 na buwan.