1,266 total views
Pinaalalahanan ng Lung Center of the Philippines Chaplaincy ang publiko na panatilihin ang pag-iingat ng kalusugan sa patuloy na banta ng coronavirus disease.
Ayon kay LCP Chaplain, Camillian Father Almar Roman, bagama’t hindi na maituturing na global health emergency, ang COVID-19 ay mananatili pa ring pandemya dahil pa rin sa panganib na kaakibat nito.
Sinabi ni Fr. Roman na mayroon nang sapat na kaalaman ang publiko upang makaiwas sa nakakahawa at nakamamatay na virus dahil na rin sa mga programa kung saan bahagi ang patuloy na information dissemination hinggil sa epekto ng COVID-19.
“Most of the global population were already vaccinated. Ang mga healthcare workers ay mayroon ng kaalaman sa paglaban sa virus. Alam na ng mga tao na protektahan ang kanilang sarili mula sa nakakahawang sakit,” ayon kay Fr. Roman sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang inanunsyo ng World Health Organization na hindi na maituturing na global health emergency ang COVID-19 dahil sapat na ang kaalaman ng bawat isa hinggil sa epekto ng virus.
Idinedeklara ang global health emergency kapag ang lahat ng mga bansa sa buong mundo ay dapat magbigay ng atensyon sa kasalukuyang karamdaman na maaaring makaapekto sa kalusugan o buhay ng mga tao.
Ibinahagi naman ng pari ang kasalukuyang kalagayan ng LCP kung saan may ilang COVID-19 patients pa rin ang nagpapagaling ngunit ito’y mild cases na lamang.
Binalikan ni Fr. Roman ang naging karanasan ng LCP sa kasagsagan ng paglaganap ng nakamamatay na virus na bagama’t sentro ng paggamutan ng mga may karamdaman sa baga ay kinapos pa rin ang kapasidad dahil sa dami ng pasyenteng nahawaan ng COVID-19.
“Unlike before or on the onset of this deadly virus, LCP were always overwhelmed and groping on the situations. Ngayon ang mga doktor at paramedic ay handa na para sa sakit na COVID-19, especially, those with underlying disease or with comorbidities,” ayon kay Fr. Roman.
Nangako naman ang LCP Chaplaincy na magiging katuwang ng institusyon tungo sa pagpapalalim ng pananampalataya ng mga pasyente at pamilya nito sa kabila ng mga pinagdaraanang pagsubok.
Tagubilin ni Fr. Roman ang patuloy na pananalig upang makamtan ang tunay na kagalingan at pag-asa na nagmumula sa Panginoon.
“Naririyan ang LCP-Pastoral Care Committee na kinabibilangan ng pari at mga kasapi nitong empleyado ng ospital upang mas mapalalim ang kanilang ugnayan sa Diyos at mas lumakas ang pananampalataya; at ito rin ang nagpapalakas sa pisikal na katatayuan ng isang maysakit,” saad ni Fr. Roman.
Magmula nang lumaganap ang COVID-19 sa buong mundo noong 2020, umabot na sa halos 688-milyon ang kabuuang bilang ng mga kaso nito, kung saan higit sa 4.1 milyon ang nagmula sa Pilipinas.