236 total views
Pinaalalahanan ng simbahan ang mamamayan na patuloy na sundin ang minimum public health standards laban sa coronavirus disease.
Ginawa ni Baguio Bishop Victor Bendico ang paalala matapos na maiulat sa Baguio City ang unang kaso ng Omicron BA.2.12, isang Omicron subvariant na mabilis na makapanghawa.
Sinabi ng obispo na mahalagang patuloy na tumalima ang publiko sa panuntunan ng pamahalaan upang maiwasan ang posibleng pagkahawa sa virus.
“Yung mga tao rito [sa Baguio City] ay palaging sinasabihan ng wearing of face mask at social distancing. Hoping na hindi na kakalat pa ang bagong [variant] dito,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa Department of Health, nagmula sa isang 52 taong gulang na babaeng Finland national ang unang kaso ng Omicron subvariant na dumating sa bansa noong April 2.
Nagtungo ang dayuhan sa isang pamantasan sa Quezon City at sa Baguio City upang magsagawa ng seminar.
Sa huling pagsusuri ng DOH, mayroong 44 na close contacts ang babae kung saan ang lima rito ay naitala sa Benguet, siyam sa Quezon City, at ang 30 indibidwal naman ay ang mga nakasabay niya sa eroplano papuntang Maynila.
Sa kasalukuyan, magaling na sa virus ang Finland national at nakabalik na rin sa kanyang bansa noong April 21.
Samantala, ikinabahala naman ni Bishop Bendico na kapag muling tumaas ang kaso ng COVID-19 hindi lamang sa Baguio City, kundi maging sa buong bansa, posibleng ipagbawal muli ang mga pampublikong pagdiriwang ng simbahan.
“Kung sakaling dadami na naman ang mga cases, back to old ways and strict protocols na naman,” ayon sa obispo.
Gayunman, dalangin ng obispo na ang nasabing Omicron subvariant nawa’y hindi na magdulot pa ng panibagong pangamba sa publiko lalo na’t nalalapit na rin ang 2022 National and Local Elections sa Mayo 9