158 total views
Pinag-iingat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang publiko hinggil sa pagpasok ng COVID-19 Omicron variant sa Pilipinas.
Ayon kay CBCP – Health ministry vice chairman at Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio, dapat mas maging maingat ang mamamayan upang hindi maging sanhi ang Omicron variant ng muling pagdami ng kaso ng virus sa bansa.
“Let us all be vigilant once more, especially na mayroon na naman tayong detected Omicron variant dito sa Pilipinas,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng obispo na mahalaga pa rin ang wastong pag-iingat lalo na ang pagsunod sa health protocols upang maiwasan ang hawaan.
“We have already learned our lessons in the past. There is nothing more but to follow the protocols and restrictions anyway this is for our own good,” saad ni Bishop Florencio.
Sa ulat ng Department of Health, natuklasan kahapon ang unang dalawang kaso ng Omicron variant sa bansa mula sa isang Overseas Filipino Worker galing Japan at isang Nigerian national.
Kasalukuyang nasa isolation facility ang dalawang pasyente at asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng virus.
Ang Omicron variant na unang nakita sa South Africa ay natuklasan din sa Europa at Asya na nagdulot ng pangamba sa buong mundo dahil sa posibilidad na muling lumaganap sa pamayanan.