437 total views
Pinaalalahanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mamamayan ng Sorsogon sa kalagayan ng bulkang Bulusan.
Ayon kay PHIVOLCS Director at Science Undersecretary Renato Solidum, Jr., dahil nakataas sa Alert level 1 ang bulkang Bulusan ay anumang oras ay maaari ito muling sumabog at maglabas ng makapal na usok at abo katulad ng naganap noong Linggo (Hunyo 5).
“Kapag nasa Alert level 1 ang Bulusan volcano, ang ibig sabihin pwede pang maulit ang pagsabog. Ang kailangang gawin ng mga kababayan natin ay talagang strictly implement ‘yung pagbawal na pumunta sa 4-kilometer permanent danger zone sa paligid ng bulkan,” pahayag ni Solidum sa panayam sa Veritas Pilipinas.
Binalaan din ni Solidum ang mga naninirahan sa gilid ng mga ilog sa posibilidad ng pagtaas ng tubig na may halong abo at magdulot ng lahar.
Ipinapayo din ng opisyal ang pagsusuot ng pananggalang tulad ng N95 face masks upang maiwasan na malanghap ang abo lalo na kapag nasa labas ng mga tahanan.
Sa huling ulat ng PHIVOLCS, naitala sa loob ng 24 na oras ang pitong volcanic earthquakes sa paligid ng Bulusan volcano.
Magugunita nitong Linggo nang magkaroon ng phreatic eruption sa bulkang Bulusan bandang 10:37 ng umaga.
Umaapela naman ng tulong ang Diyosesis ng Sorsogon para sa pangangailangan ng mga apektadong residente.