394 total views
Hinimok ni Tuguegarao Archbishop Ricardo Baccay ang mananampalataya na maging maingat at responsable ngayong Semana Santa sa banta ng coronavirus disease.
Sa inilabas na liham sirkular, sinabi ng Arsobispo na patuloy lamang sundin ang mga health protocol at igalang ang mga iniuutos ng mga otoridad para sa kaligtasan laban sa virus.
“Let us be prudent and responsible in our celebrations of the Holy Week by safeguarding our health and respecting prescriptions from the authorities,” bahagi ng liham sirkular ni Archbishop Baccay para sa paggunita ng Semana Santa sa Arkidiyosesis ng Tuguegarao.
Bahagi ng sirkular ang iba’t-ibang panuntunan ng Arkidiyosesis para sa paggunita sa Semana Santa na gagawing simple at maringal dahil sa patuloy na epekto ng krisis pangkalusugan.
Umaasa naman ang Arsobispo na ang iba’t-ibang pagninilay ngayong Kuwaresma ay matiyak ang makabuluhang paggunita sa mga banal na misteryo habang isinasaalang-alang ang kalusugan at ikabubuti ng buong mamamayan.
“I am optimistic that our sincere reflections on this Lenten journey will ensure a celebration of the sacred mysteries in the most effective and meaningful way possible for our communities, while respecting the common good and public health,” ayon kay Archbishop Baccay.
Bahagi ng mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco ngayong Kuwaresma ang higit na pagpapasigla sa pananampalataya at pagkakawanggawa sa mga nangangailangan na mahalagang tugon sa patuloy na pagharap ng daigdig sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.