248 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na patuloy na mag-ingat bagamat ibinaba na sa alert level 1 ang COVID-19 status sa Metro Manila at ilang lalawigan.
Ayon kay CBCP – Central Luzon Regional Representative Balanga Bishop Ruperto Santos, marapat lamang na ipagpasalamat sa Diyos na unti-unti nang humuhupa ang kaso ng COVID-19 sa bansa na patunay na malapit nang makamtan ang ganap na kaligtasan laban sa virus.
Ngunit, sinabi ni Bishop Santos na hindi pa rin dapat makampante ang publiko at sa halip ay patuloy pa ring sundin ang mga panuntunang ipinapatupad ng pamahalaan upang maiwasan ang hawaan.
“Subalit huwag po tayong magpabaya at huwag maging kampante. Ipagpatuloy pa rin natin ang ating pag-iingat, sumunod pa rin sa IATF protocols,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok din ng Obispo ang bawat isa na patuloy lamang na manalangin bilang gabay tungo sa tuluyang pagbuti ng bansa at ganap nang makamtan ang kaligtasan laban sa pandemya.
“Ipagpatuloy din natin ating pananalangin upang tuluyan nang mawala ang COVID, at tayong lahat ay talagang maging ligtas,” dagdag ng Obispo.
Maliban sa Metro Manila, kabilang ang lalawigan ng Bataan sa mga lugar na isinailalim sa alert level 1 mula sa alert level 2 status dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Sa umiiral na alert level status, maaari nang makapagsagawa ng mga pampublikong pagdiriwang na mayroong 100-porsyentong kapasidad tulad ng banal na Misa at iba pang religious gatherings.
Batay naman sa huling tala ng Department of Health, nasa mahigit 51-libo na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.