313 total views
Pinag-iingat ng Diyosesis ng Butuan ang mamamayan hinggil sa panloloko ng ilang indibidwal sa social media gamit ang pangalan ni Bishop Cosme Almedilla.
Sa pahayag na inilabas ng diyosesis, isang scammer ang gumagamit sa pangalan ni Bishop Almedilla sa Facebook na humihingi ng donasyon para sa hindi makatotohanang gawain ng diyosesis.
Hinimok ni Father Wilbert Mark Simplicio, Chancellor ng diyosesis ang mananampalataya na maging maingat sa mga manloloko lalo sa social media partikular na kung humihingi ng donasyon gamit ang simbahan at mga opisyal nito.
Pinayuhan ni Father Simplicio ang mamamayan na tiyakin muna ang mga natatanggap na mensahe kung ito ay lehetimong nagmula sa Obispo o sa mga pari ng diyosesis upang makaiwas sa panloloko.
Ipagbigay alam din sa diyosesis at sa tanggapan ng mga parokya ang mga kahinahinalang mensahe para mabigyan ng wastong hakbang.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ang simbahan sa panloloko gamit ang social media sapagkat nauna nang nagbabala noon si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, Cebu Archbishop Jose Palma, Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle at maging si Lipa Archbishop Gilbert Garcera na biktima rin ng mga scammer sa pangangalap ng pondo para sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Taal.
Read: https://www.veritas846.ph/mamamayan-muling-binalaan-sa-text-scams/
Paalala ng Simbahang Katolika ang ibayong pag-iingat lalo na’t kilala ang mga Filipino na aktibo sa social media na batay sa tala nasa 60 milyon ang gumagamit.