1,967 total views
Pinag-iingat ng BAN Toxics ang publiko laban sa mga mapanganib na paputok na ilegal na ipinagbebenta sa mga pamilihan.
Ito ay ang “giant piccolo” na kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok sa mga nakalipas na taon dahil sa pagiging sanhi ng firecracker-related injury sa mga kabataan.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng grupo, dapat itong higit na tutukan ng mga kinauukulan upang maiwasang maibenta sa publiko at makalikha ng anumang panganib sa kalusugan at polusyon sa kapaligiran.
“We call again the attention of Philippine National Police and Department of the Interior and Local Government to step up and conduct on-site monitoring and confiscation of illegal and prohibited firecrackers as New Year’s Eve draws closer,” pahayag ni Dizon.
Sa pagbisita ng BAN Toxics sa mga pamilihan partikular na sa Divisoria, nagkakahalaga ng 200 piso ang bawat 10 piraso ng giant piccolo.
Magugunitang nagbabala ang grupo nitong Nobyembre laban sa maagang pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok tulad ng Five Star, Whistle Bomb, Giant Bawang, at Happy Ball.
Pinaalalahanan naman ng BAN Toxics ang publiko na iwasang gumastos sa mga paputok na nakakalason at nagdudulot ng basura at polusyon sa kapaligiran.
Sa halip ay isulong ang paggamit ng mga alternatibong pampaingay tulad ng mga kaserola, bote, at lata para sa ligtas at malusog na pagdiriwang ng Bagong Taon.
“We appeal to all vendors to stop selling any prohibited firecrackers, especially to children. We need to protect our kids from any toxic pollution from firecrackers and fireworks and prevent injuries during the holiday season,” ayon kay Dizon.
Sa tala ng Department of Health Fireworks-Related Injury Surveillance noong 2021, umabot sa 189 ang naiulat na fireworks-related injuries, kabilang rito ang isang biktima ng ligaw na bala.
Mas mataas ito ng 54% o 123 kaso kumpara noong 2020, at mas mababa naman ng 55% o 416 kaso sa five-year average sa kaparehong panahon.