449 total views
Patuloy na nararanasan sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan ang volcanic smog o vog mula sa Bulkang Taal sa Batangas na maaaring magdulot ng masamang epekto sa kapaligiran at kalusugan ng tao. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagsimulang magbuga ng sulfur dioxide (SO2) gas ang bulkang Taal noong Hunyo 28 kung saan naitala ang nasa 14,326 na toneladang antas nito.
Paliwanag ng PHIVOLCS, ang SO2 ay binubuo ng sulfur o asupre at oxygen, at isa sa karaniwang volcanic gases na nagmumula sa aktibong bulkan. Ito ay acidic at nagdudulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at ilong kung kaya’t ito ay mapanganib kapag matagal na nalantad dito.
Lubha naman itong ikinabahala ng grupong Greenpeace Philippines na kanilang ibinahagi sa isang facebook post ang mga larawan kung saan makikita ang maulap at malabong kalangitan sa Metro Manila at karatig na mga lugar.
Batay sa pagsusuri ng grupo, naitala kahapon ang mas malalang antas ng air pollution sa Metro Manila na kanilang ikinumpara sa Cebu at Quezon Province kung saan matatagpuan ang karamihan sa mga coal-fired power plants na nagbubuga ng marumi at mapanganib na usok.
Dahil dito, hinihikayat ang publiko na mag-ingat sa panganib na dala ng vog sa pamamagitan ng pagsusuot ng N95 face mask o gas masks, pag-inom ng maraming tubig at pagpapatingin sa doktor kung kinakailangan.
Gayundin ang paglayo sa pinanggagalingan ng volcanic gas at hangga’t maaari ay manatili na lamang muna sa loob ng mga tahanan.
Samantala, ayon naman sa huling ulat ng PHIVOLCS, nakataas pa rin sa Alert level 2 ang bulkang Taal kung saan naitala sa loob ng 24 na oras ang 10 volcanic earthquakes sa paligid nito.
Patuloy namang pinapaalala ng ahensya ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa Taal Volcano Island o Permanent Danger Zone.