214 total views
Hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang publiko na sundin ang mga paalala ng pamahalaan kaugnay sa paliligo sa Manila Bay,lungsod ng Maynila.
Ayon sa Obispo, hindi hinahadlangan ng pamahalaan ang kasiyahan ng mga tao subalit inaalala lamang nito ang kalusugan ng mamamayan lalo na ng mga bata.
Pakiusap ni Bishop Pabillo sa publiko, huwag ipilit ang ipinagbabawal dahil makasasama lamang ito.
“Dapat sumunod tayo sa sinasabi ng batas sa pamahalaan kase ang [concern] nila ay ang safety natin. Kaya kung sinasabi ng pamahalaan na hindi pwedeng maligo sa Manila Bay huwag sanang pipilitin kase ibigsabihin may danger, danger sa maruming tubig o may iba pang danger, kaya sumunod tayo sa kung saan pinahihintulutan pwede tayo dun maligo kapag hindi pinapahintulutan huwag nating pilitin kasi ikasasama natin yan.” Ang pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Una nang kinumpirma ng Health Office of the Manila City Government na sa nakalipas na 15 taon ay nananatili paring mapanganib ang Manila Bay dahil sa mataas ang lebel ng Coliform sa tubig – uri ng Bakterya na nagmumula sa dumi ng tao.
Ilan sa mga karamdamang maaaring makuha dito ang skin diseases, typhoid, Hepatitis A, Cholera, at diarrhea.
Bilang pagbibigay naman ng alternatibong paliguan, inanunsyo ng city Government na maaari nang gamitin ang mga public swimming pools sa Pedro Gil, Dapitan at Tondo.
Samantala magugunitang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si na dahil na rin sa kapabayaan ng tao sa kalikasan, kalusugan rin ng tao ang pangunahing nagiging biktima ng masasamang epekto nito.