2,918 total views
Tiniyak ng dating Arsobispo ng Archdiocese of Lipa ang patuloy na pananalangin para sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayan kaugnay sa posibleng pagsabog ng bulkang Taal.
Ayon kay Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles, hindi magtatapos sa kanyang pagreretiro ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa mamamayan lalo na sa bayan ng Taal na muling humaharap sa kawalan ng katiyahan kasunod ng mga naitalang pagyanig sa bulkan.
Pinayuhan ng Arsobispo ang mamamayan na manatiling matatag ang pananampalataya sa pamamagitan ng pananalangin sa Mahal na Birheng Maria upang gabayan at ipag-adya ng Panginoon ang lahat mula sa anumang sakuna.
“Ako ang inyong dating Arsobispo ng Lipa na bale apat na taon ng retire pero patuloy pa ring nagdadasal para sa inyong lahat lalo ang mga Taaleños, lalo yung mga nasa paligid ng Taal Lake. Ang aking advice sa lahat ay manatiling matatag sa pananampalataya, magdasal tayo sa Mahal na Birhen, Our Lady of Caysasay na talagang Batangueñang Batangueña at saka Our Lady of Mediatrix of All Grace hindi tayo pababayaan nila.” pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam sa Radio Veritas.
Pinaalalahanan naman ng Arsobispo ang bawat isa na patuloy na maging maingat at mapagmatyag sa aktibidad ng Bulkang Taal na bagamat hindi maitatanggi ang angking ganda ay maaari namang magdulot ng malawak na pinsala.
Binigyang diin rin ni Archbishop Arguelles ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan na biyaya ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Paliwanag Arsobispo, tulad ng nasasaad sa encyclical ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si babalik lamang sa tao ang sakunang maaring idulot ng kapabayaan at pang-aabuso sa kalikasan at kapaligiran.
“Pero mag-ingat din tayo, yang Taal Volcano talaga namang yan ay No Man’s Land maganda pride yan ng ating lalawigan at ng ating bansa pero ingat kayo diyan, sapagkat lalo kapag tayo ay malupit sa kalikasan hindi natin inaalagaan ay sabi nga ng ating Banal na Papa Francisco ‘Ang Diyos laging nagpapatawad, ang tao kung minsan nagpapatawad, pero ang kalikasan ay hindi nagpapatawad’, pero kung tayo ay lalapit sa Diyos lalo sa mga panahon ng Kuwaresma ay sinasabi kapag tayo ay reconcile with God ay tayo’y mapagmahal sa kapwa tao at tayo ay maalaga sa ating kalikasan.” Dagdag pa ni Archbishop Arguelles.
Samantala, nauna ng tiniyak ng Social Action Center ng Archdiocese of Lipa ang kahandaan kaugnay sa pinangangambahang pagsabog ng bulkang Taal.