227 total views
Tanging mamamayan ang naiwang pag-asa ng bayan.
Ito ang binigyang diin ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – Co-Convenor of the Movement Against Tyranny matapos ang kontrobersyal na desisyon ng Supreme Court sa Quo Warranto case laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Paliwanag ng Madre, dahil sa hindi na ganap na mapagkakatiwalaan ang kredibilidad ng ehekutibo, lehislatibo at ng hudikatura sa bansa ay tanging naiiwan na lamang sa paninindigan ng taumbayan ang pag-asa na maisulong ang makatarungan at makatotohanang lipunan.
Dahil dito, iginiit ni Sr. Mananzan na dapat na patuloy na lumaban ang bawat isa para sa kapakanan ng bansa.
“Kung wala na tayong tiwala sa executive, sa legislative at judiciary ano ng naiiwan? Alam niyo kung ano ang naiiwan? Tayo, tayong mga mamamayan ang naiiwan kasi hindi po tayo susuko kaya po huwag tayong mawalan ng pag-asa, sabi po ng Diyos ‘I have overcome the world, so you have overcome the world’ kaya po tayong mga mamamayan, tayo na po ang ating pag-asa sa buhay kaya sabi ko sa inyo tayo po ay lalaban…” pahayag ni Sr. Mananzan, OSB sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang unang binigyang diin ni Sr. Mananzan na tanging katapangan at paninindigan lamang ang makatutugon sa mapang-abusong pamamahala na nanaig sa bansa partikular na sa paniniil ng kasalukuyang administrasyon sa katotohanan at makatarungang sistema ng batas.
Naunang nagpahayag ng pagkundina ang iba’t-ibang mga institusyon ng Simbahan at grupo ng mga abogado sa bansa laban sa naging resulta ng desisyon ng Korte Suprema kung saan sa botong 8-6 ay pinaburan ng Supreme Court ang Quo Warranto case laban kay Chief Justice Sereno na isang negatibong pangyayari sa demokratikong sistema ng pamahalaan, partikular na sa separation of powers ng tatlong sangay ng pamahalaan.