1,180 total views
May 15, 2020, 2:08PM
Ipinanalangin ng obispo ng Calbayog ang mamamayang naapektuhan ng bagyong Ambo partikular ang ilang lugar sa Samar kung saan unang sinalanta noong ika – 14 ng Mayo.
Ayon kay Bishop Isabelo Abarquez, nawa’y huwag mawalan ng pag-asa ang mga Filipino sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap na bukod sa bagyo ay patuloy pa rin ang pakikipaglaban sa pandemyang bunsod ng corona virus.
Hinikayat ng obispo ang mamamayan na paigtingin ang pananalangin sa Diyos na ipag-adya sa anumang kasamaan lalo’t higit sa krisis pangkalusugang naranasan.
“Sana hindi tayo mawalan ng pag-asa, patuloy tayong magdasal lalo’t mayroong dalawang kinakaharap ngayon ang COVID 19 at ang bagyong Ambo,” pahayag ni Bishop Abarquez sa panayam ng Radio Veritas.
Unang nag-landfall ang bagyong Ambo sa San Policarpo Eastern Samar kung saan dala nito ang malakas na ulan at hangin.
Batay sa salaysay ni Bishop Abarquez, naranasan ang epekto ng bagyong Ambo sa Calbayog Samar ganap na alas singko ng hapon hanggang maghahatinggabi kung saan nanalasa ang malakas na hangin dahilan ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa lugar.
Aniya, wala pang naiulat na mga nasira sa kanilang lugar ngunit sinabi nitong ang mga residente sa coastal areas ay lumikas sa La Milagrosa Family na eskwelahan sa ilalim ng pamamahala ng mga madre.
Hamon ng obispo sa bawat isa na manalangin upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok na dumarating sa buhay.
“Hindi tayo pinababayaan ng Diyos, tuloy ang ating pagdarasal na sana malampasan natin itong COVID 19 tsaka yung apektado ng bagyo, sana sama-sama at magtulungan sa isa’t isa na makalampas na natural calamity na ito,” dagdag ni Bishop Abarquez.