3,245 total views
Nanawagan para sa agarang kaligtasan ang mga pamayanang apektado ng pagmimina sa mga lalawigan ng Palawan, Romblon, South Cotabato, at Surigao del Sur.
Ayon kay Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) advocacy coordinator Maya Quirino, lumalaki ang pangamba ng mga apektadong pamayanan sa bansa kaugnay sa pagdami ng mga proyekto sa pagmimina dulot ng pandaigdigang pangangailangan para sa transition minerals tulad ng copper, nickel, at iba pa, na mahalaga sa paglikha ng renewable energy.
Sinabi ni Quirino, na siya ring coordinator ng SOS Yamang Bayan Network, na mahalagang bigyang-pansin at tutukan ito ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa kaligtasan at kapakanan ng mga pamayanan lalo na sa mga lupaing ninuno ng mga katutubo.
“The risks posed by the transition minerals boom to local communities are high with an estimate 60% of our mineral reserves overlapping with ancestral domains, and five kinds of transition minerals present across these lands. It is urgent for the Marcos administration to enact robust policy safeguards for the rights, welfare, and environment of mining-affected communities,” pahayag ni Quirino.
Sa ginanap na SOS Yamang Bayan Network General Assembly sa Quezon City, nagtipon ang mga environmental advocate, mga lider ng simbahan, at mga katutubo upang muling ipahayag ang mga hinaing hinggil sa hindi tamang proseso ng mga kumpanya ng pagmimina.
Partikular dito ang kawalan ng konsultasyon hanggang sa paglabag sa mga batas at karapatan ng mga apektadong komunidad.
Ibinahagi naman ni Baywatch Foundation member Christell Yparraguirre na patuloy na nagdudulot ng pangamba sa Caraga Region ang insidente ng karahasan at pananakot laban sa mga lider na tumututol sa pagmimina.
Magugunita noong Setyembre 22, 2024 nang paslangin sina Alberto Cuartero, kapitan ng Barangay Puyat, Carmen, Surigao del Sur at kasamang si Ronde Arpilleda Asis na kabilang sa mga saksing tumestigo sa korte at nagbunyag ng pekeng exploration permit ng Tribu Manobo Mining Corporation (TMMC).
“Caraga as the mining capital region of the Philippines makes it also a hotspot of violence against environmental human rights defenders who resist the multitude of nickel and other mines here,” ayon kay Yparraguirre.
Batay sa Global Witness, ang Pilipinas ay nananatiling pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga environmental activist, na may pinakamataas na bilang ng mga pagpatay mula 2012 hanggang 2023.
Una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mamamayan at mga may katungkulan sa pamahalaan na ipagtanggol at pigilan ang walang kabuluhang pakikitungo sa mga environmental defender at mga katutubo.