438 total views
Ipagdasal at ipagpasalamat ang mga biyayang likha ng Panginoon.
Ito ang paanyaya ni Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity sa buong buwang pagdiriwang ng Season of Creation.
“Sana during this time we pray to the Lord. Thanking the Lord for the gift of creation. We pray na dapat tayong lahat at lalung lalu na ang mga leaders natin magkaroon ng conversion, ecological conversion, may pananagutan tayo at baguhin natin ang ating lifestyle na hindi tayo makadagdag sa basura. Magtipid sa tubig, kuryente at hindi na gumamit ng plastic,” ayon kay Bishop Pabillo sa Pastoral Visit sa Radio Veritas.
Ipinaalala ng Obispo ang paghingi ng tawad ng mga tao sa pagkasira ng kalikasan dulot ng pang-aabuso.
“Nakakagalit pa, may mga tao na …still business as usual na ang hinahanap lang ay ang tubo at kita na makukuha nila. Profit out of creation. Nanawagan na rin si Pope Francis na nasa ecological emergency na tayo, hindi lang crisis, emergency na,” paliwanag pa ng Obispo.
Hinikayat din ng obispo ang publiko na bilang pakikiisa sa pagdiriwang na maging bahagi sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng kalikasan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na maraming paraan ng pagtugon sa panawagan ng Santo Papa Francisco sa pangangalaga ng kapaligiran kabilang na dito ang pagbabawas ng basura at pagbabago ng lifestyle tulad ng hindi paggamit ng plastic products.
“Sa bawat isa sa atin, kailangan natin ng conversion, ‘yung mga pananaw tulad ng throw-away culture, consumerism tulad ngayon ‘Ber’ na naman bibili na naman tayo tapos itatapon din naman,” ayon kay Bishop Pabillo.
Hinimok din ng obispo ang lahat na magsalita para sa Inang Kalikasan tulad ng panawagan sa pamahalaan na ipagbawal ang pagmimina at pagtatayo ng coal fired power plant at iba pang industriya na nakakasira sa kalikasan.
“Manawagan din tayo sa political at business leaders na huwag ng business as usual. Huwag na nating sirain, pagkakakitaan ang kalikasan. No to coal, dapat invest natin sa clean and cheaper energy. Huwag na magmina ng coal, huwag na gumawa ng dam,” giit pa ng obispo.
Hiling din ng Obispo sa mamamayan na alamin kung saan naglalagak ng negosyo ang mga bangkong kanilang pinaglalagakan ng salapi at tiyakin hindi ito sumusuporta sa industriya o company na nagdudulot ng panganib sa kalikasan at sa tao.
“Dapat alamin natin kung saan nilalagay ng mga bangko ang pera natin, kasi kahit na tayo nagtitipid tapos ang pera natin na pinapatago sa bangko ay doon din ini-invest ay di nakakasira din tayo,” dagdag pang obispo.