175 total views
Mahalaga ang regular na pagtitipon para sa Filipinong Katoliko upang mamulat sa mga usaping panlipunan. Ito ang inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa kahalagahan ng regular na pagtitipon at mga gawain tulad ng Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS) upang mailahad at matalakay ang mga usaping at suliraning panlipunan na nangangailangang matugunan.
Pagbabahagi ng Obispo, kinakailangan munang alamin at magkaroon ng kamalayan ang bawat isa sa reyalidad na nagaganap sa lipunan upang ganap na mapagnilayan kung ano ang maaring maging tugon dito mula sa pananaw ng Simbahang Katolika.
“Mahalaga po ito upang ang mga tao natin ay mamulat sa mga pangyayari at makita ang mga pangyayaring ito sa mata ng pananampalataya at mag-usap-usap at makita nila at mabahala sila at kumilos sila kaya itong mga pagtitipon ng MAGPAS at iba pang mga pagtitipon para sa issues ngayon ay dapat talagang gawin…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Obispo na bilang isang mabuting mamamayang Kristyano ay dapat na makisangkot at makibahagi ang bawat isa sa mga nagaganap at mga usaping panlipunan. Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na hanggat hindi nakikilahok at walang anumang partisipasyon o reaksyon ang mamamayan sa mga nagaganap na kaguluhan sa bayan ay hindi kailanman magkakaroon ng katarungang panlipunan sa bansa.
Dahil dito, hinimok ng Obispo ang bawat isa na magkaroon ng kamalayan sa mga tunay na nangyayari sa bayan at pagnilayan ang mga pangyayaring ito base sa pananaw ng pananampalayang Katoliko.
Hinimok ni Bishop Pabillo ang mamamayan na gumawa ng desisyon sa kung ano ang naangkop na kongretong hakbang at tugon sa mga problema ng lipunan. Partikular na tinukoy ni Bishop Pabillo ang dapat na pakikilahok at pakikialam ng bawat isa sa usapin ng pagpapalit ng Konstitusyon upang bigyang daan ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan sa Federal form of government.
“Hindi lamang dapat na tingnan o bantayan ang mga idinagdag na probisyon kundi maging ang mga tinanggal na probisyon na maaring malaki ang maging epekto sa buhay ng bawat mamamayang Filipino.”pahayag ng Obispo.
Inihalimbawa ng Obispo ang pag-aaral na tangging 27-porsyento lamang ng mga Filipino ang mismong nakabasa na ng Konstitusyon ng bansa kaya marapat lamang basahin at aralin ito ng bawat isa.
Ang MAGPAS ay karaniwang ginawa anim na beses kada taon o tuwing makalawang buwan sa unang araw ng Sabado. Ngayong buwan tema ng July 2018 MAGPAS ang “Celebrating Our Baptismal Priesthood: The Prophetic Mission”