719 total views
Dapat tutulan ng mamamayan ang patuloy ang paglapastangan sa Saligang Batas.
Ito ang panawagan ni dating Department of Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman sakaling balewalain ng Supreme Court ang ‘motion for reconsideration’ na inihain ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na kumukwesyon sa ‘Quo Warranto Petition’ na siyang ginamit na proseso para mapatalsik siya bilang Chief Justice.
Ayon sa dating kalihim na dumalo sa indignation rally sa harap ng Korte Suprema, ang paglapastangan kay Sereno ay isa ring paglapastangan sa konstitutusyon, rule of law at sa kapangyarihan ng mamamayan.
Iginiit ni Soliman na sakaling katigan ng mga mahistrado ng Supreme Court ang ‘quo warranto’ ay nangangahulugan lamang na ang hukuman mismo ang hindi na gumagalang sa batas.
Nangangamba rin si Soliman na ang hakbang na ito ng Korte Suprema ay maaring maging hudyat ng pagbabalik sa kapangyarihan ng pamilya Marcos.
“Nakakapangamba kapag nawala si CJ Sereno at nagtagumpay ang pagpapaalis sa kanya na hindi sumusunod sa ating Konstitusyon nagbibigay daan para sa pagbalik ni Marcos kasi ang nagdedesisyon tungkol sa Presidential Electoral Tribunal ‘yung complaint ng fraud (may complaint si Marcos) ay ang Supreme Court,” ayon kay Soliman.
Ayon kay Soliman hindi na independente ang Supreme Court dahil hawak na sa leeg ng Pangulong Duterte na sumunod sa kagustuhan na mapatalsik sa posisyon si Sereno.
Matatandaang si Sereno ay napatalsik sa pamamagitan ng ‘quo warranto’ petition ng boto ng kanyang kapwa mahistrado na 8-6 nang panigan ang reklamong isinumite ni Solicitor General Jose Calida sa ang ginamit na basehan ay ang hindi kumpletong pagsusumite ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Kaugnay nito, inatasan ng Korte Suprema si Solicitor General Jose Calida na maghain ng komento sa loob ng 5-araw sa apela ni Sereno na baliktarin ang May 11 ruling ng Korte Suprema na nagpatalsik sa punong mahistrado sa puesto.