3,549 total views
Hinamon ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na makibahagi sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Ayon kay CBCP Office on Stewardship Chairman, Taytay Bishop Broderick Pabillo ito ang wastong pagkakataon na palaganapin ang pagbabago ng lipunan sa pagpili ng mga wastong lider na mangangasiwa sa pamayanan.
“Sa darating na eleksyon, may pagkakataon tayong baguhin ang pamamahala, mula sa barangay. Gamitin natin ang pagkakataong ito na umpisahan ang tunay na pagbabago mula sa barangay.” bahagi ng liham pastoral ni Bishop Pabillo.
Sinabi ng opisyal na nararamdaman ang pagkilos ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sapagkat ito ang unang tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na tuwing may kalamidad.
Ayon kay Bishop Pabillo makapipili lamang ang mamamayan ng mabubuting lider na handang maglingkod sa kapakanan ng taumbayan kung may mabubuting kandidatong may magandang hangarin sa bayan.
“Ang paglilingkod sa bayan ay isang tawag ng Diyos. Ang mga taong may mabuting kalooban at mga taong matuwid ay hinihikayat kong tumakbo upang maglingkod sa barangay at sa SK. Tumakbo ang may magagandang hangarin na maglingkod sa bayan. Ang paglilingkod sa kapwa ay tanda ng pag-ibig sa Diyos.” giit ni Bishop Pabillo.
Batay sa Commission on Elections calendar of activities magsisimula ang election period sa August 28 kung saan maaring maghain ng Certificate of Candidacy ang sinumang nagnanais tumakbo sa BSKE sa October 30.
Umaasa si Bishop Pabillo na mananatiling non-partisan ang halalang pambarangay at kabataan upang iiral ang tunay na mithiing maglingkod sa interes ng bawat nasasakupan gayundin matiyak ang pananatiling malaya ng bawat barangay mula sa mga matataas na politiko sa bansa.