835 total views
Sa gitna ng pagluluksa sa pagpanaw ni Pope Francis, nananawagan ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na iwasan muna ng publiko ang hayagang pagsusulong kay Cardinal Luis Antonio Tagle bilang susunod na Santo Papa.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, ang usapin ng susunod na pinuno ng simbahan ay pagpapasyahan ng mga cardinal electors sa gaganaping conclave.
“We leave it to the Cardinal-electors to decide who will succeed Pope Francis. It’s not prudent for the people to publicly push for Cardinal Tagle as the next Pope since it may be misconstrued that the conclave can be influenced by outside forces if and when Cardinal Tagle indeed becomes the next pontiff,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Fr. Secillano sa Radyo Veritas,
Iginiit ng opisyal na mahalaga ang pagiging malaya at independyente ng mga cardinal-electors sa pagpili ng magiging pinuno ng Simbahang Katolika, at hindi dapat makialam ang sinuman sa labas ng conclave.
“The independence of the electors should be respected, and the least that we can do is to pray for Cardinal Tagle and the rest of the Cardinal-electors,” dagdag pa niya.
Ang conclave ay ang sagradong pagpupulong ng mga cardinal ng Simbahang Katolika upang pumili ng bagong Santo Papa kapag ang dating Papa ay namatay o nagbitiw sa tungkulin.
Ang Conclave ay binubuo ng mga cardinal-electors na wala pang 80-taong gulang sa araw ng pagkamatay ng Santo Papa.
Sa kasalukuyan ay may 135 ang cardinal-elector ang simbahan, kabilang na ang tatlong cardinal ng Pilipinas na sina Cardinal Tagle-ang dating arsobispo ng Maynila at kasalukuyang miyembro ng Roman Curia sa Vatican, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, pangulo ng CBCP at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Sa ngayon, nakatuon ang Simbahang Katolika sa pagbibigay-pugay sa yumaong Santo Papa, habang inaasahan ang pagpupulong ng mga cardinal upang itakda ang petsa ng conclave kung saan pipiliin ang susunod na pinuno ng Simbahan.