241 total views
Nagpaabot ng paanyaya nang pakikibahagi at pakikilahok sa nakatakdang ika-5 Philippine Conference on New Evangelization o PCNE si Rev. Fr. Jason Laguerta, Executive Director ng Office of the Promotion of the New Evangelization.
Hinikayat ni Father Laguerta ang lahat ng mga mananampalataya sa nakatakdang PCNE5 na magaganap sa ika-20 hanggang ika-22 ng Hulyo.
Pagbabahagi ni Fr. Laguerta, isasagawa ang unang araw ng ikalimang edisyon ng PCNE sa Cuneta Astrodome habang sa University of Santo Tomas naman magaganap ang mga gawain para sa ikalawa at huling araw ng Konperensya.
“Inaanyayahan ko lahat ng mga taga-pakinig natin Kapanalig sa Radyo Veritas at sa iba pang dako ng mundo na makilahok kayo, makibahagi kayo sa Philippine Conference on New Evangelization, gagawin ito sa July 20, 21, 22. Ang July 20 ay sa Cuneta Astrodome at 21 at 22 naman ay sa University of Santo Tomas sana magkita-kita tayo sa konperensyang ito…” paanyaya ni Fr. Laguerta sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang ika-limang Edisyon ng Philippine Conference on New Evangelization ngayong taon ay mayroong temang “Moved with Compassion, Feed the multitude” na may kaugnayan sa patuloy na ginugunita ng Simbahan sa bansa na Year of the Clergy and Consecrated Persons bilang paghahanda sa ika-500 Anibersaryo ng Kristyanismo sa Pilipinas.
Tampok sa tatlong araw na pagtitipon ang “Heart to heart Conference” sa pagitan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ito ay isang pambihirang pagkakataon upang mapakinggan ni Cardinal ang mga kwento at patotoo ng ilang mananampalataya kaugnay sa tema ngayong taon.
Tulad sa mga nakaraang PCNE, inaasahan rin ang pagkakaroon ng 3 Concurrent Sessions na tatalakay sa iba’t ibang usapin na pananaw ng pananampalatayang Katoliko tulad na lamang ng mga usapin sa basic ecclesial communities o BEC, pagpapamilya, kahalagahan ng Trabaho, paghubog sa mga Kabataan, pangangalaga sa Kalikasan, pagsusulong ng karapatang Pantao, pagprotekta sa mga Katutubo, at pagtulong sa mga Migrants at Refugees.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 5,800 ang participants sa PCNE5 na binubuo ng mga Pari, Consecrated at Lay people.
Sa ika-16 ng Hulyo, Pangungunahan ni Cardinal Tagle ang pre-PCNE5 mass para sa UST Parish ganap na Alas Dos ng hapon.