1,644 total views
Nagpasalamat ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa panalangin ng mamamayan para sa matagumpay na 126th plenary assembly.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David makabuluhan ang ginanap na pagtitipon na sinimulan sa Spiritual Retreat ng mga obispo kasama si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown gayundin ang pagsang-ayon sa mahahalagang usaping tinalakay ng kalipunan.
“We consciously arrived at decisions and resolutions that are reflective of the CBCP’s steadfast aspiration for a more synodal Church, a Church that fosters a deeper communion with Christ and among our faithful, a Church that promotes greater participation in the life and mission of the Church,” bahagi ng mensahe ni Bishop David sa katatapos na plenary assembly.
Sa pagtitipon ng kalipunan muling naihalal si Bishop David bilang pangulo, Vice President naman si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara habang tagapag-ingat yaman pa rin si Palo Archbishop John Du.
Ibinahagi ni Bishop David na naging mabunga ang pagpupulong ng kalipunan dahil sa mga napagkasunduang mga panukala na buo ang suporta ng mga obispo.
Kabilang sa inaprubahan ng CBCP ang panukalang ‘Sugbuswak’ ng Archdiocese of Cebu sa pamamagitan ni Archbishop Jose Palma na layong magtatag ng dalawa pang diyosesis sa lalawigan upang mapaigting ang pagmimisyon sa kristiyanong pamayanan.
“The archbishop [Archbishop Jose Palma] proposed the creation of the Diocese of Carcar in Southern Cebu, and the Diocese of Danao in Northern Cebu. These new dioceses aim to enhance the pastoral and spiritual care of the faithful residing in the north and south of cebu while keeping the Central Cebu as the seat of the archbishop and head of the Metropolitan Province of Cebu,” ayon sa obispo.
Gayundin ang panukala ni Butuan Bishop Cosme Almedilla na pagtatatag ng bagong diyosesis na mangangalaga sa kawan ng Agusan del Sur kung saan itatanghal na luklukan ang bayan ng Prosperidad.
Binigyang diin ni Bishop David na ang pag-apruba ng CBCP ay isang hakbang ng pag-usad sa proseso ng pagtatatag ng mga bagong diyosesis.
“This strategic move seeks to cultivate the spiritual growth of the faithful and improve administrative efficiency within the respective dioceses, once approved by Rome,” giit ni Bishop David.
Kabilang din sa napagkasunduan ng mga obispo ang pagtanghal sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church bilang National Shrine of the Black Nazarene na isinusulong ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula kung saan ito ay tanda ng spiritual significance sa malagong debosyon ng mga Pilipino sa Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Inaprubahan din ng kapulungan ang panukala ni Laoag Bishop Renato Mayugba na buksan ang proseso ng beatification sa 13 taong gulang na si Niña Abad na sa kabila ng murang edad ay nakatuon sa pagpapalawak ng buhay espiritwal lalo na sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos kung saan ito rin ang unang hakbang upang magsagawa ng pag-aaral ang Vatican.
Ilan pa sa tinalakay ng CBCP ang pagpili ng mga katekista na maging bahagi sa itatatag na ministry of faith formators ng simbahan sa pangangasiwa ng Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education.
Gayundin ang pagbuo ng stewardship program sa national level na mangangasiwa sa pondo para sa pastoral program ng tanggapan at komisyon ng CBCP gayundin ang pagtulong sa mga nahihirapang ecclesiastical jurisdictions.
Pinag-usapan din sa plenary ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa October 30 kung saan hinimok ng mga obispo ang mamamayan na aktibong makilahok sa pagpili ng mga lider ng pamayanan.
“We hope to see the Barangay elections in October as a perfect opportunity for the emergence of a new breed of leaders in our Barangays communities who represent principled politics, who are guided by the social teachings of the Church and are not yet reared in traditional politics of patronage,” ani Bishop David.
Natalakay din ang Expanded Alay Kapwa campain ng social arm ng simbahan na layong makakuha ng isang milyong donors na makapagbibigay ng P500 kada taon para sa mga programang kawanggawa ng simbahan.
Ginanap ang CBCP Plenary sa Marzon Hotel sa Diocese of Kalibo sa Aklan na kasalukuyang pinamumunuan ni Bishop Jose Corazon Tala-oc.
Sa datos ng CBCP 87 ang mga aktibong obispo sa bansa, tatlo ang diocesan administrators habang mahigit sa 40 ang honorary members o mga retiradong obispo.