16,262 total views
Nanawagan ang Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) sa publiko na maghain ng Disqualification Case laban sa mga kaanak ng incumbent Congressmen, Governor o Mayor na kakandidato sa nakatakdang 2025 Midterm Elections upang palitan sa puesto ang mga kaanak na magtatapos na ang termino sa pwesto.
Ayon kay ANIM Lead Lawyer for Anti-Dynasty Campaign Atty. Alex Lacson, sa pamamagitan lamang ng paghahain ng disqualification cases matatanggal at malilimitahan ang pananatili sa posisyon ng mga dinastiyang angkan sa bansa.
“We are encouraging the public to file separate disqualification cases against the dynasties in their respective areas because these dynasties can only be disqualified as candidates or removed from office if a disqualification case is filed against them. If no disqualification case is filed against them, they will remain in office” Bahagi ng panawagan ni Atty. Lacson.
Tiniyak naman ng ANIM ang kahandaan ng grupo na tulungan at gabayan ang publiko sa kabuuang proseso ng paghahain ng disqualification case mula sa pagkakaloob ng pro-forma Petition for Disqualification na kinakailangan na lamang punan ng mga detalye ng mga nagnanais na maghain ng petisyon.
Ang ANIM ay isang non-partisan, broad-based coalition na binubuo ng anim na sectoral groups sa bansa na kinabibilangan ng religious sector, retired military and uniformed personnel, youth, women businessmen and professionals, at civil society organizations na naninindigan laban sa patuloy na pag-iral ng political dynasty sa bansa na isa sa maituturing na dahilan ng patuloy na katiwalian sa pamahalaan.
Una ng binigyang diin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace at pangulo ng Caritas Philippines na isa rin sa nagsisilbing convenor ng ANIM na naaangkop lamang na makibahagi ang Simbahan sa mahahalagang usaping panlipunan na makakaapekto sa buhay ng bawat mamamayang kabilang na ang usapin ng pulitika partikular na ang nalalabing 2025 Midterm Elections sa bansa.