281 total views
June 13, 2020, 5:28PM
Nagpaabot ng pasasalamat ang Archdiocese of Manila sa mga mambabatas sa limang lungsod na nakasasakop sa arkidiyosesis sa paninindigan ng mga ito laban sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020.
Hinihikayat rin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na pagpaliwanagin ang kanilang mga kinatawan sa Kongreso na bumoto pabor sa panukalang batas na naglalaman ng mga probisyong labag sa karapatang pantao at Saligang Batas.
Ang Archdiocese of Manila ay binubuo ng 5 mga siyudad na kinabibilanhgan ng San Juan, Mandaluyong, Makati at Pasay.
Umaasa naman si Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP -Permanent Committee on Public Affairs na ganap na naunawaan ng mga mambabatas ang mga nilalamang probisyon at implikasyon ng Anti-Terrorism Act of 2020 na kanilang sinuportahan.
Ipinaliwanag ng Pari na bagamat mabuti ang layunin ng naturang panukalang batas ay mahalagang masusi itong pag-aralan upang hindi maabuso sa hinahanap.
Iginiit ni Father Secillano na tungkulin ng mga mambabatas na bigyang linaw ang mga kuwestiyunableng probisyon na maaring magdulot ng kalituhan at maling interpretasyon sa mga susunod na mamumuno at magpapatupad ng naturang panukalang batas sa bansa.
“kung bumoto man sila diyan (sa Anti-Terrorism Act of 2020) sana makita nila din yung direksyon na patutunguhan nito kasi meron itong bearing later on, so hindi lang sa ngayon kundi later on, ngayon dinidebate yan para talaga mas maging malinaw kung ano talaga ang mga provisions na nilalaman magkaroon ng clarity para kapag inimplement mo walang vagueness, walang arbitrariness and years from now wala na sila dito it will be left to the interpretation of those who will be in the government at that particular juncture.” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam sa Radio Veritas.
Ika-3 ng Hunyo ng inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang kontrobersyal na House Bill 6875 na layong amyendahan ang Human Security Act of 2007 sa botong 173- Yes, 31- No at 29-Abstentions.
Gayunpaman makalipas ang dalawang araw ika-5 ng Hunyo na huling araw ng sesyon ay itinama ng Kamara ang bilang ng boto sa 168-Yes, 36-No, at 29-Abstention kung saan ilang mga mambabatas ang nagpahayag ng pagnanais na bawiin ang kanilang mga boto sa panukalang batas.
Nauna ng nagpahayag ng pangamba ang iba’t-ibang sektor ng lipunan kaugnay sa mga kuwestiyunableng probisyon na nilalaman ng Anti-Terrorism Act of 2020.