205 total views
Hinimok ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga mananampalataya sa pagtatapos ng Season of Creation na maging katulad ni St. Francis of Asisi.
Ayon sa Obispo, kung ituturing ng bawat tao na kapatid ang araw, buwan, hangin, lupa, apoy at tubig, ay magiging maayos ang pag-aalaga sa kapaligiran.
Dagdag pa ng Obispo, kung maayos ang turing at pag-aalaga sa kalikasan ay ibabalik nito sa bawat nilalang ang pag-aarugang ibinibigay sa kanya ng mga tao.
“Kapag ka ang tingin mo sa mundo ay kapatid mo katulad ni St. Francis, sabi nya “Brother Sun, Sister moon, Brother Fire, Sister Earth, at lalo na pag nakakita ng tao, Brother, sister…” kapagkaganyan, iingatan natin ang ating sarili, iingatan ang kapwa tao, iingatan ang mundo, at pagagandahin pa ito,” pahayag ni Bishop Bacani sa kanyang Homiliya sa pagtatapos ng Season of Creation.
Pormal nang nagtapos ang ika-limang taon ng pagdiriwang sa Panahon ng Paglikha noong ika-4 ng Oktubre,2017.
Gayunman, naninindigan ang Simbahang Katolika na hindi dito natatapos ang adbokasiya para sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa katunayan 40 iba’t-ibang katolikong institusyon mula sa iba’t ibang bansa ang nagpakita ng seryosong aksyon upang mapangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng pag-aalis ng pondo sa mga may kinalaman sa maruming pinagkukunan ng enerhiya na fossil fuels.
Kabilang sa mga institusyon ang Bishops Conference in Belgium, ang Diocese of Asisi, Catholic Bank, at iba pang arkidiyosesis, unibersidad at religious congregations.
Ang mga naturang institusyon ay nagmula sa mga bansang Argentina, Australia, Belgium, Germany, Ireland, Italy, Kenya, Sierra Leone, South Africa, United Kingdom, at United States of America.
Natukoy sa pag-aaral ng United States Environmental Protection Agency, na ang mga coal power plants o paggamit ng fossil fuels ang pangunahing dahilan ng pagdami ng carbon emissions na naiipon sa kalawakan na sya namang dahilan ng pag-init ng mundo.
Kaugnay dito, umaasa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na susunod na ring magda-divest ang mga kilalang bangko sa Pilipinas at iba pang malalaking commercial institutions, dahil sa pag-aaral ng Philippine Movement for Climate Justice, sa kasalukuyan ay mayroon nang 19 na pasilidad ng Coal Fired Power Plants sa Pilipinas.