3,970 total views
Umaasa ang opisyal ng Vatican na maging daang paggunita ng Kwaresma upang higit pang mamulat ang bawat isa sa kalagayan ng mga nangangailangan sa lipunan.
Ito ang pagninilay ng Kanyang Kabunyian Cardinal Luis Antonio Tagle – pro Prefect Dicastery for Evangelization sa misang ginanap sa Pontificio Collegio Filippino sa Roma.
Paliwanag ng Cardinal, ang paghahanda sa panahon ng Kwaresma ay hindi nagtatapos sa pananalangin at pag-aayuno kundi higit ang pagpapaigting ng pagmamalasakit sa kapwa.
Ayon kay Cardinal Tagle, nawa ay mamulat ang bawat isa sa kahalagahan ng pagkakawanggawa o ‘alms giving’ upang matugunan ang kalagayan ng kapwa lalo na ang mamamayang nagdurusa at nangangailangan.
“One of the disciplines of Lent is Alms giving, acts of charity in addition to prayer and fasting, ang isa po sa ating panawagan kapag Kwaresma para malinis ang ating kalooban ay ang pagkakawanggawa, pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.” Ang bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Giit ni Cardinal Tagle, ang paghingi ng tulong ay isang kababaang loob na makikita ang pagtanggap sa kahinaan upang lumapit at humingi ng tulong sa kapwa para sa kanyang pangangailangan.
“God shouldn’t be begging from us love but we don’t give it but God does not stop giving us love. We should thank God for being the beggar that He is, God who begs for our fidelity even when God does not get it He continues to give what we need, so we hope that with Jesus we will not looked at begging as a bad thing, it’s an act of humility… Even Jesus begged but when we beg we hope that it is in the spirit of truth, in the spirit of fidelity and we also remember that every beggar has something to give.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ayon sa Cardinal, ang bawat isa ay may maibabahagi sa kapwa bilang daluyan ng biyayang ipinagkaloob ng Panginoon para sa lahat.
Una ng binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang tatlong mahalagang panuntunan na dapat na sundin ng bawat isa para sa makabuluhang paggunita ng panahon ng Kwaresma -ang pag-aayuno, pagdarasal at pagtulong sa mga nangangailangan.
Giit pa ang Santo Papa, ito ay mahalaga upang maging makabuluhan ang paghahanda ng mananampalataya sa biyaya ng pagsasakatuparan ng pangakong kaligtasan mula sa kasalanan ng sanlibutan.
Paliwanag ni Pope Francis, ang pagkakawang gawa ay isang paraan ng pagpapamalas ng pag-ibig at pagkalinga hindi lamang sa sarili kundi sa kapakanan ng kapwa lalo’t higit ng mga nangangailangan sa lipunan.
Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda ng Simbahan sa nalalapitn na Mahal na Araw at Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus matapos ang kanyang pagpapakasakit sa Krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.