167 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga botanteng Overseas Filipino Workers na manalangin bago makibahagi sa Overseas Absentee Voting sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – chairman ng kumisyon, mahalagang ipanalangin ng bawat isa ang patnubay ng Panginoon sa kanilang pagpili ng mga katapatdapat na mga opisyal ng bayan na para sa kapakanan ng mamamayan.
Iginiit ng Obispo na dapat na piliin ng mga OFW ang mga opisyal na hindi ibubulsa o nanakawin ang kanilang mga pinaghirapang padalang pera o kanilang mga remittances na malaki ang ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
“Our dear OFWs as you start OAV pray first, think about who will really help you and truly work for the good of country. Vote wisely, choose for those who will not steal your remittances nor pocket them.” Ang bahagi ng pahayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalagang ihalal ng mga botante ang mga kandidato na magsisilbing mabuting ehemplo sa lipunan.
Higit sa lahat binigyang diin ni Bishop Santos na dapat na mayroong takot sa Diyos ang mga mailuluklok na mga opisyal na magbibigay halaga hindi lamang sa batas ng tao kundi maging sa batas ng Diyos.
“Decide for those who have goodness, that is, will do good, has good manners and has good examples to imitate. And lastly remember God, vote for those who fear God, honor God and fulfill His commandments.” Dagdag pa ni Bishop Ruperto Santos.
Noong ika-13 ng Abril, nagsimula ang isang buwang Overseas Absentee Voting sa iba’t-ibang bansa na magtatagal hanggang sa ika-13 ng Mayo kung saan maaring bumoto ang mga OFW sa mga embahada, konsulado at sa iba pang mga itinalagang voting centers ng Commission on Elections.
Batay sa tala ng Commission on Elections (COMELEC) may aabot sa 1.8-milyon ang rehistradong overseas absentee voters na binubuo ng mga OFW na naninirahan at naghahanap buhay sa iba’t ibang bansa na karamihan ay matatagpuan sa Saudia Arabia, United States, Singapore at Hong Kong.
Samantala nauna na ring hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga OFW sa iba’t ibang bansa na samantalahin ang absentee voting.